November 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kapwa humirit ng ‘winner-take-all’ game ang Group A No. 3 at nagdedepensang Mapua University at Group B No. 3 Colegio de San Juan de Letran para sa semifinals ticket.
Ito ay matapos talunin ng Cardinals ang Group B No. 2 St. Benilde Blazers, 73-58, at padapain ng Knights ang Group A No. 2 Arellano Chiefs, 87-78, sa quarterfinals ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
May mga hawak na bonus ang St. Benilde at Arellano sa quarterfinals at muling lalabanan ang Mapua at Letran bukas para sa tiket sa best-of-three semifinals series.
Sa unang laro, nagsalpak si Jimboy Estrada ng 22 points para sa Knights at may 20 at 15 markers sina Kevin Santos at rookie sensation Jonathan Manalili, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni T-Mc Ongotan ang Chiefs sa kanyang 18 points, 9 rebounds at 6 assists.
Samantala, sasagupain ng Group A No. 1 Perpetual Help Altas ang Group B No. 3 Jose Rizal Heavy Bombers ngayong alas-11 ng umaga kasunod ang duwelo ng Group B No. 1 San Beda Red Lions at Group A No. 3 Lyceum Pirates sa alas-2:30 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tangan ng Altas at Red Lions ang ‘twice-to-beat’ bonus kontra sa Heavy Bombers at Pirates, ayon sa pagkakasunod.