Ilang pagbabago sa rules ng PBA ipapatupad sa Season 50


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Posibleng magkaroon ng ilang pagbabago ng rules ng PBA simula sa papalapit na PBA Season 50 sa Oktubre.

Ito ay matapos pulungin ng PBA technical committee ang 12 koponan nito kasama ang kanilang head coaches para pag-usapan ang mga paraan upang maisaayos pa ang officiating sa liga.

Ilan sa mga napaulat na naging sentro ng diskusyon ay ang pagpapaigting ng coaches’ challenge at goaltending/offensive basketball interference lalo na sa last 2 minutes ng laban.

Matatandaang umani ng kritisismo ang PBA sa ka­ta­tapos lang na 2025 PBA Philippine Cup lalo na sa Game 1 ng San Miguel Beer at Talk ‘N Text kahit na tama ang naging tawag nito.

Dumakdak si Mo Tautuaa sa huling 57 segundo ng laban para sa 98-97 panalo ng San Miguel pero dahil walang itinawag ang referees at walang deadball, sa huling 6.2 segundo pa ito narebyu ng PBA technical committee.

Binawi nila ang puntos dahil sa pagsabit umano ni Tautuaa sa ring para sa offensive interference na nagresulta sa 99-96 panalo ng Tropang Giga kalaunan.

Pinamunuan nina PBA technical committee head deputy commissioner Eric Castro ang pagpupulong kasama sina Joey Guanio, Junior Bengua at PBA legal counsel na si Atty. Ogie Narvasa.