Noong Martes ay isa si Marian Rivera sa tumanggap ng People of the Year award mula sa PeopleAsia magazine. Mahalaga umano para sa aktres ang bawat parangal na kanyang natatanggap. “Kada parangal na ibinibigay sa akin, iba talaga ang pakiramdam. Sobrang grateful talaga ako,” bungad ni Marian.
Lubos ang pasasalamat ng Kapuso actress dahil naging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa Netflix ng pelikulang Balota.
Si Marian ang nakasungkit ng Best Actress award sa Cinemalaya Film Festival noong isang taon dahil sa naturang pelikulang pinagbidahan. Ilang linggo nang pasok sa Top 10 ng Netflix ang Balota. “Sobrang speechless kami dahil hanggang ngayon ‘yung mga tao talaga tinatangkilik ang Balota ‘yung napapanahon ‘yan dahil alam nating malapit nang mag-eleksyon,” pagbabahagi ng aktres.
Bukod sa isang bagong serye ay isang bagong pelikula ang pinaghahandaan at nakatakdang gawin ni Marian ngayong taon. “Definitely babalik ako sa primetime and then movie definitely this year din,” pagtatapos ng Kapuso actress.
Jodi, maraming ibang plano
Kahit abala sa trabaho ay sisikapin umanong ituloy ni Jodi Sta. Maria ang planong kumuha ng master’s degree ngayong taon. Matatandaang 2021 nang makapagtapos ng kursong psychology ang aktres. “Isa ‘yan sa mga bagay na kino-consider kong importante sa buhay ko eh. Ang master’s naman, you just go to school once or twice a week. So, mas maluwag ‘yung schedule kaya marami rin akong mga bagay na nagagawa,” nakangiting pahayag ni Jodi sa YouTube channel ni MJ Marfori.
Kamakailan ay nailunsad na ng aktres ang sariling YouTube channel na JSM Channel. Ayon kay Jodi ay maipapamalas niya rito ang kanyang mga natutunan sa tinapos na kurso. “I feel na these are the things na natutunan mo in school na parang whatever skill or whatever knowledge na impart sa ‘yo ng pag-aaral mo. Ngayon it’s being put into good use na parang hindi lang siya naging requirement para maka-graduate or para pumasa. Kumbaga, meron siyang real-life application,” paliwanag ng aktres.
Bukod kay Jodi ay posibleng magkaroon din ng mga espesyal na panauhin upang makatulong sa iba’t ibang usapin. “Sa Live Light ‘yung isang episode will be about different topics. There will be topics about love and boundaries, and family and we have subject matter expert to further expound on the topic. So that hindi lang puro, ‘I believe,’ ‘This is what I think,’ pero it’s like supported by and backed up by studies,” paglalahad niya. (Reports from JCC)
