Mga magnanakaw at rapist na pulis


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

November 25, 2025 | 12:00am

SINABI ni National Police Commission (Napolcom) Vice Chairman and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan 14 na miyembro ng Police Drug Enforcement Group (PDEG) Special Operations Unit (SOU) 4-A  sa Calabarzon ang ina­kusahan ng pagnanakaw at panggagahasa sa 18-anyos na babae.

Ayon sa report, nagsagawa ang mga pulis ng illegal drug operation sa isang bahay at tinaniman ng droga. Ang masaklap ay ginahasa pa nila ang 18-anyos na babae. Pero mabilis ding naaresto ang mga suspek na pulis. Iniharap sila sa press conference. Nakakahiya ang ginawa ng 14 na pulis.

Kulang pa kaya ang suweldo ng mga pulis na ito? O tala­gang mga gahaman lamang sila sa pera at pati sa laman. Sa pagkaalam ko, malalaki na ang suweldo ng mga pulis. Bakit pa sila gumagawa ng masama.

Ngayong nahuli na ang 14 na magnanakaw at manyakis na pulis, tiyak na masisibak na sila sa serbisyo at ni isang kusing ay wala silang makukuha. Tiyak na malaki-laki na ang matatanggap ng mga pulis na ito dahil may mataas na ranggo ang iba. Pero dahil sa kasamaan nila, natunaw ang retirement benefits.

Sobrang kahihiyan ang daranasin ng kanilang pamilya at baka ikahiya ang 14 na pulis. Dahil sa kanilang kawa­langhiyaan ay damay ang kinabukasan ng kanilang mga anak. Kawawa naman ang mga anak nila at pati ang asawa. Pandidirihan sila.

Payo ko sa mga pulis, huwag ninyong gagayahin ang ginawa ng 14 ninyong kabaro. Huwag ninyong sasayangin ang ipinagkaloob na makapaglingkod sa sambayanan. Ala­­gaan ang inyong reputasyon. Laging ang kabutihan ang isipin ninyo para sa sarili at sa mamamayan.

Ang gawaing masama ay hindi nagtatagumpay at lagi nang may katapusan. Walang masamang gawain na hindi nabubulgar kaya sana, ang lahat ng mga pulis ay tahakin ang kagandahang asal. Huwag liliko ng landas. Huwag isasapalaran ang kinabukasan ng mga mahal sa buhay.