February 10, 2026 | 12:00am
Isang mahalagang paalala sa mga nagbabakasyon sa ibang bansa na pairalin ang common sense kaysa magtiwala sa gadgets matapos ang isang viral na insidente sa Andorra.
Tatlong turistang babae mula sa Taiwan ang naging sentro ng atensyon matapos nilang imaneho ang nirentahang Mercedes-Benz at idiretso ito sa isang ski slope dahil lamang sa utos ng kanilang GPS navigation system.
Naganap ang insidente malapit sa Grau Roig ski area sa Bordes d’Envalira.
Ayon sa ulat, kahit na halatang off-road at makapal na ang niyebe sa dinaraanan, nagtuloy-tuloy pa rin ang mga turista dahil ito ang “short cut” na itinuturo ng kanilang device.
Ang resulta: bumara ang sasakyan sa paanan ng bundok, katabi mismo ng isang snow cannon.
Hindi naging biro ang rescue operation para sa kanila. Kinailangan ng emergency services ng tatlong malalaking metal cranes at mahigit tatlong oras na trabaho upang maiahon ang luxury car mula sa pagkakabaon sa yelo.
Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente. Sa katunayan, bago pa man dumating ang tulong, nakuha pang mag-pose at magpakuha ng souvenir photos ang tatlong turista katabi ng kanilang na-stuck na sasakyan, na tila ba bahagi lang ito ng kanilang bakasyon.