Michael, pinaplastik ni Dustin sa PBB?!


Isang buwan na ang housemates sa loob ng Bahay Ni Kuya na bahagi ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab at ang dami nang naganap sa loob, nagkadebelopan at nakilala na ang tunay na pagkatao ng karamihan sa kanila.

Sina Emilio Daez at Vince Maristela lang ang bago sa kanila, pero naging close na rin sila sa kanilang lahat.

Pero hindi lang ang housemates, kundi pati ang solid followers ng reality show na ito at supporters ng mga paborito nilang housemates.

Kagaya nitong huling nominasyon na kung saan nominated na naman ang duo na sina Michael Sager at River Joseph.

Si River ay wala na raw pakialam kung gusto siyang i-nominate, ‘yun na raw siya at wala na raw mababago pa sa kanya.

Si Michael ang talagang masama ang loob dahil naramdaman niyang kaya na-nominate ang duo nila ni River dahil sa kanya. “I need to focus lang po on the things I can control, which myself, my actions… Can’t change who we are,” sabi pa ni River Joseph.

Bago sila tinawag ni Bianca Gonzalez na nominado, may binanggit itong insensitive, na para kay Michael siya ‘yung insensitive. “It’s funny lang kasi… ‘yung plastikan lang. It’s the funny part,” sambit ni Michael na may mapaklang ngiti.

Nandiyan si Dustin Yu na siyang nagsabi nu’n, at nakikinig lang ito. “But for me kasi… if that’s the reason why they gonna call me out… huwag mong sabihing insensitive ako because… for me like… bahala na ‘yung labas talaga. Sila lang ‘yung nakakaalam kung ano ‘yung totoo.

“Hindi ko talaga matanggap na sabihan ako ng ganun. For me talaga mabigat na word kasi, I don’t know, it’s one of my morals siguro po in life to now hurt ‘yung mga kapwa ko, especially this family that I have.”

Sa isang episode ay umiiyak na si Michael nang kausap ito sa confession room sa Bahay Ni Kuya. Masama ang loob niya, dahil lagi na lang daw siyang nami-misinterpret.

Kaya galit na galit ang fans at supporters ni Michael kay Dustin dahil siya ang nagsabi nitong insensitive sa kapwa Kapuso actor.

Inakusahan nilang napakaplastik ni Dustin.

Pero marami naman ang kinikilig sa mga nagkakadebelopan sa loob ng Bahay Ni Kuya.

Inamin ni Dustin sa boys’ night out nila na sa babaeng housemates, kay Bianca de Vera siya gustong mag-confess. “I like her,” mabilis niyang pakli na ikinatuwa ng mga kasamahan nito.

Kahit si Bianca rin ay tila nahuhulog na rin kay Dustin.

Nakakatuwa rin si Bianca na napapansin din niya ang ibang pagtitinginan nina Kira Balinger at Josh Ford.

Sinita agad ni Bianca si Kira nang kaharap na si Josh ay nag-baby talk na raw ito agad.

‘Pag kaharap daw si Josh ay biglang nag-baby talk, ano raw kaya ang ibig sabihin nu’n.

Meron pang isang episode na kung saan ay tinanong ni Bianca si Kira ng “If you have to choose someone to marry in this room to save the earth, sino?”

Medyo naalangan pa si Kira na sumagot dahil alam naman daw nila ito lahat. Pero sinagot pa rin niyang si Josh ito.

Kinilig naman ang Kapuso actor na napayakap pa sa houseguest nilang si Kim Ji Soo.

Marami ang natuwa sa pagsu­baybay sa mga kaganapan sa Pinoy Big Brother, pero kapansin-pansin na hindi ito ganun kataas ang rating sa free TV.

Noong Sabado ay naka-5.8 percent lang ito, at 5.9 percent noong Linggo.

Pero sa online ay napakalakas nito at laging nagtre-trending.

Ang obserbasyon ng karamihan ay hindi ito gaanong hit sa viewers ng Kapuso shows, pero gustung-gusto ng online viewers na talagang sumusubaybay sa mga programa ng Kapamilya shows at sila ang nagpasikat kina Fyang Smith at JM Ibarra ng PBB Gen 11.