Migs Bustos, ibibida ang golden lechon!


Ibibida ni Migs Bustos ang agaw-tinging pakulo sa lechonan ni Marvin Ryan Alao tampok ang kanyang katakam-takam na “golden lechon” ngayong Lingo (March 9) sa My Puhunan: Kaya Mo!

Humarap man noon sa hamon ng pandemya, ibabahagi ni Marvin kung paano niya itinayo at unti-unting napalago sa maikling panahon ang kanyang negosyong lechonan sa Cebu mula sa dati niyang espesyal na lechon de negra.

Samantala, samahan si Karen Davila na alamin ang hatid na tulong sa mga kapuhunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang Adjustment Measures Program.

Layunin ng programa ng ahensya na masiguro na magtuluy-tuloy pa rin ang operasyon ng negosyo ng mga kapuhunan sa kabila ng iba’t ibang pagsubok na maaaring kaharapin.

Huwag palampasin ang mga kuwento ng tagumpay sa My Puhunan: Kaya Mo! kasama sina Karen Davila at Migs Bustos ngayong Linggo (March 9), 5:00 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC, news.abs-cbn.com/live, at iba pang ABS-CBN News online platforms.

JC Regino, may awitin para sa mga biglang binitawan ng minamahal

Isang makabagbag-damdamin ang muling hatid ng Kapuso singer na si JC Regino sa kanyang pinakabagong single na Babytawan, sa ilalim ng GMA Music. Nagsimulang maging available ang kanta sa streaming at pag-download sa iba’t ibang digital platforms simula noong Marso 7.

Ang Babytawan ay tungkol sa sakit na maiwan sa isang relasyon, kung saan ang pangako ng pagiging “baby” ay naging isang masakit na “babytawan.” Tungkol rin ito sa pangangailangan ng isang huling yakap mula sa minamahal bago maghiwalay, habang patuloy na pinapahalagahan ang pagmamahal at pasasalamat na pinagsaluhan ng dalawa.

Ibinahagi ni Regino na isinulat niya ang kanta noong nakaraang taon sa loob lamang ng isang linggo, na inspirado ng celebrity breakups noong nakaraang taon.

Sa pamamagitan ng awiting ito, umaasa rin siya na mararamdaman ng mga tagapakinig ang sakit ng kanta kapag bigla na lang binitawan.