Galing sa PH-US Balikatan Exercise.
MANILA, Philippines — Patay ang isang sundalo habang sugatan ang apat nitong kasamahan makaraang maaksidente ang sinasakyang military truck sa kahabaan ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) sa Brgy. Caramutan, Villasis, Pangasinan noong Biyernes ng hapon.
Sa report ng Pangasinan Police, nangyari ang insidente sa TPLEX habang ang mga sundalo ay lulan ng military truck na may plakang SAB-2115 na minamaneho ng isang 31-anyos na sundalo.
Ang tropa ng militar ay pabalik na sa kanilang kampo sa AFP-Northern Luzon Command sa Tarlac galing sa PH-US Balikatan Exercise na nagtapos na noong Biyernes.
Sa inisyal na imbestigasyon, isa sa mga gulong ng military truck ay sumabog bunsod upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito kung saan ay sumalpok ito sa embankment ng expressway.
Ang behikulo ay ilang beses na nagpaekis-ekis ang takbo bago gumulong at tuluyang bumaligtad sa insidente.
Mabilis na nagresponde ang rescue team ng TPLEX at isinugod sa pagamutan ang mga nasugatang sundalo pero binawian na ng buhay ang isa sa kanila habang ang apat pa ay patuloy na ginagamot at nagpapagaling.