Nanood ng concert sa Gentri, arestado sa vape-marijuana


CAVITE, Philippines — Arestado ng pulisya ang isang lalaking manonood ng concert ng mga kilalang banda sa General Trias Sports Park matapos itong mahulihan ng Vape na may liquid Marijuana, kamakalawa ng gabi sa Gen. Trias City, Cavite.

Kontra Droga ang tema ng isinagawang Music Fest sa lungsod ng Gen Trias na dinaluhan ng mga kilalang grupo ng Banda sa Pilipinas kung saan naaresto ang suspek na kinilala sa alyas “Bel”, nasa hustong gulang at nasa Street level Individual drug watchlist ng pulisya.

Batay sa ulat, alas-8:50 ng gabi kung saan ginaganap ang Music Festival na may temang “B.I.D.A JAM Buha’y Ingatan Droga’y Ayawan “ na pinangunahan ng Gen. Trias City Anti-Drug Council sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jon Jon Ferrer.

Naka-duty umano si PStaff Sgt. Mardy Medina, kasama ang iba pang police intelligence officer sa main entrance ng General Trias Sports Park kung saan nagaganap ang concert at nagsagawa ito ng checkpoint sa mga manonood ng concert bilang bahagi ng ipinapatupad na maximum security sa lugar.

Pumasok umano ang suspek at may hawak na vape kaya sinita ni staff Sgt. Medina hinggil sa napansing kakaiba ang dalang vape.

Nang suriin ito, dito na napag-alaman na may lamang liquid marijuana ang dalang vape ang suspek dahilan upang agad siyang arestuhin at dinala sa presinto.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11 Art 2 R.A 9165 ang nasabing suspek.