August 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pagkakataon na ng PLDT para makamit ang kanilang kauna-unahang korona sa Premier Volleyball League (PVL).
At tampok sa one-game championship ng High Speed Hitters at Chery Tiggo Crossovers sa 2025 PVL on Tour ang mini reunion ng kanilang mga dating De La Salle University Lady Spikers stars.
Naglalaro sa PLDT sina Kim Kianna Dy, Kim Fajardo, Majoy Baron at Mika Reyes, habang nasa Chery Tiggo sina Ara Galang at Aby Maraño.
“It’s weird seeing them on the other side of the court, but you know, everything happens for a reason. I guess we were really meant to go our separate ways,” sabi ng 27-anyos na si Dy. “Ngayon, it’s gonna be nice to play against them.”
Naging teammates din sina Maraño, Galang, Baron, Fajardo at Dy sa huling pagrereyna ng F2 Logistics’ sa Philippine Superliga (PSL) noong 2019.
Magkakasama rin sila sa Cargo Movers final roster sa PVL.
“Mini reunion pero sa Sunday, hindi muna kami friends,” wika ni Dy.
Paglalabanan ng High Speed Hitters at Crossovers ang PVL on Tour gold medal bukas sa MOA Arena sa Pasay City.
Sinibak ng PLDT ang 10-time champions Creamline, 27-25, 22-25, 19-25, 25-16, 15-10, sa kanilang knockout semifinals match.
Pinatalsik ng Chery Tiggo ang Cignal HD, 25-17, 16-25, 25-21, 25-23, sa isa pang semis game.
Hangad ng High Speed Hitters ang una nilang PVL title at target ng Crossovers ang ikalawang korona matapos magreyna noong 2021 Open Conf.
