October 17, 2025 | 12:00am
Samu’t-sari ang reaction ng mga nakapanood sa pelikulang Quezon ni Jericho Rosales.
May mga nagsabing ito raw ang pinakamaganda sa Bayaniverse ng TBA Studios. Na-boring naman ang iba dahil masyado raw makuda.
Pero maraming rebelasyon ang naturang pelikula at iba ang pagkakilala nila kay Manuel L. Quezon sa pelikulang ito.
Ayon sa aming reliable source, sa mahigit 200 cinemas na ipinalabas ang naturang pelikula, umabot daw sa halos P6 million ang first-day earnings nito.
Malakas ito kung ikukumpara sa Heneral Luna na hindi ganun kalaki ang kita sa unang araw.
Sana ay maganda ang feedback para lalo pang lumakas lalo na sa weekend.
Magaganda ang inaasahang pelikulang magso-showing ngayon.
Pagkatapos nitong Quezon ay ipalalabas naman ang Everyone Knows Every Juan na dinirek ni Alessandra de Rossi.
Kakaiba ang pelikulang ito at magagaling ang mga artistang kasali.
Pero nandiyan ang apprehension ng iba na baka hindi ito magustuhan ng manonood. Pero umaasa ang mga artista nito na tatangkilikin ang pelikula dahil simple lang daw na kuwento ng isang dysfunctional family.
Sabi ni Gina Alajar na nasa cast ng pelikulang ito, “We don’t know. Parang ang mga tao, ayaw pa sigurong bumalik sa mga sinehan, dahil sa napakamahal sa sinehan. And they would rather stay at home and watch sa Netflix o kung ano mang platform ‘di ba? Ang dami e.
“Depende ‘yan sa kanila, and of course, nandun ka pa sa loob ng bahay. But of course, iba pa rin ‘yung nandun ka sa loob ng sinehan at malaking-malaking screen ang nasa harapan mo. Iba pa rin ‘yun. Nothing like the movie house ‘no? Lalung-lalo na right after the pandemic, talagang hirap ang mga tao sa pagkita, sa paghahanapbuhay ganun ba?”
Madali lang daw sundan ang kuwento ng pelikula. Kaya natitiyak niyang mag-e-enjoy ang mga makakapanood nito.
Joey, inasar-asar ni Vic sa suspensyon ng MTRCB noon
Star-studded ang selebrasyon ng 40th anniversary ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ginanap sa grand ballroom ng Solaire North noong Miyerkules ng gabi.
Ang saya ng kulitan nina Joey de Leon at Vic Sotto sa dating MTRCB chairperson Consoliza Laguardia.
Si dating chairperson Laguardia ang may pinakamahabang term bilang chairperson ng naturang ahensya. Sa termino nito nagkaroon ng isyu ang Eat Bulaga host sa MTRCB.
Isa sa hosts noon si Tito Joey sa Startalk at pinagsabihan ito ni chairperson Laguardia na isususpinde siya.
Bago pa naman naibaba ang suspension, nag-leave na muna si Tito Joey sa naturang showbiz-oriented talk show at pati sa Eat Bulaga.
Pero kinantiyawan pa rin ito ni Vic Sotto na nakatikim daw ng suspension.
Nung unang tinawag si Mrs. Laguardia, napadaan siya sa table ng Eat Bulaga hosts. Nag-react si Tito Joey na parang natakot siya nang makita ang dating MTRCB chairperson.
Nang magsalita na si Mrs. Laguardia, binati niya si Tito Joey na isa raw sa pinaka-favorite niya.
Nang pinabati si Tito Joey ni Pops Fernandez na host nung gabing ‘yun kasama si Rico Hizon, nilinaw niyang hindi naman talaga siya nasuspinde. Pero kinantiyawan pa rin siya ni Bossing Vic tungkol sa suspension.
Maayos ang programa roon na ikinatuwa ng mga artistang dumalo lalo na nang kinanta nina Jan Marini, Zephanie, Sam Concepcion, Bugoy Drilon at Ysabel Ortega ang theme song ng mga nag-hit na TV shows kagaya ng Be Careful With My Heart, Mulawin, Magpakailanman, Tayong Dalawa, Ang Probinsyano, at ang huli nilang kinanta ay ang Maalaala Mo Kaya.
Ang ganda ng ngiti ni Coco Martin nang kinanta ang Wag Ka Nang Umiyak ng Ang Probinsyano. Napapangiti siya nang ipinakita ang ilang eksena ng Tayong Dalawa na kung saan ay support pa lamang siya roon nina Gerald Anderson at Jake Cuenca.
Ang ganda rin ng ngiti ni Madame Charo Santos nang kinanta na ang Maalaala Mo Kaya.
Marami pang gustong gawin ang MTRCB ngayong 40 years na itong nagsisilbi sa taumbayan.
Sabi ni Chairperson Lala Sotto-Antonio, patuloy lang daw sila sa pakikipag-usap para sa collaboration sa ilang media board sa ibang bansa, kagaya ng Korea Media Rating Board at International Institute of Communications, pati sa British Board of Film Classification.
Inilunsad na rin nila ang Mobile application ng MTRCB noong Oct. 1.