October 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si Behrouz Mohammad Madi Mojdeh ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) matapos kumana ng tatlong gintong medalya sa pagsisimula ng 2025 Buccaneer Invitational Swim Meet na ginaganap sa St. Mary’s International School’s swimming pool sa Tokyo, Japan.
Inilabas ng La Salle-Greenhills freshman ang husay nito upang matamis na angkinin ang gintong medalya sa boys’ 13-14 400m Individual Medley.
Nagtala si Mojdeh ng apat na minuto at 46.01 segundo para masiguro ang unang puwesto habang pumangalawa lamang si Lyle Hansen ng Buccaneers-Japan na may malayong 5:20.92 at ikatlo si Taiga Murakado ng Tritones-Japan na may 5:48.31.
Muling umarangkada si Mojdeh sa 200m breaststroke matapos magsumite ng 2:30.19 para masungkit ang kanyang ikalawang gintong medalya habang naghari rin ito sa 100m buttefly event.
Magtatangka pang humirit ng gintong medalya si Mojdeh sa apat pang individual events nito — 200m Individual Medley, 200m butterfly, 100m breaststroke at 100m butterfly, at dalawang relay events.
“This short course meet provides an excellent opportunity to focus on improving my turns and all the small details that will help me improve my time,” ani Mojdeh.
Naghahanda si Mojdeh para sa NCAA Season 101 swimming championships na idaraos sa Disyembre kung saan bahagi ito ng La Salle-Greenhills swim team.
“It’s a good venue to further hone my skills and improve my times for my upcoming competition in NCAA,” ani Mojdeh na nakababatang kapatid ni national swimming team member Micaela Jasmine.
Nag-ambag naman si Winston Taggs ng isang pilak at isang tansong medalya sa boys’ 13-14 class.
Pumangalawa si Taggs sa 100m freestyle bitbit ang 1:00.49 habang pumangatlo naman ito sa 200m breaststroke hawak ang 2:48.34.
Nakasiguro rin ng pilak si Tanji Elleise Waskiewicz ng Brent International School-Manila sa girls’ 15-18 200m breaststroke sa oras na 3:02.92.
