February 24, 2025 | 12:00am
Hindi ko napuntahan ang 20th birthday celebration ni Jillian Ward noong Sabado na ginanap sa Conrad Hotel.
Sayang nga, pero tumanggi na ako sa Star of the New Gen dahil sa kalagayan ng injured kong paa.
Pero marami akong katsikahan na nakadalo at nakakakuha naman ako ng mga balita roon.
Present siyempre ang mga kasamahan dati ni Jillian sa Abot-Kamay Na Pangarap na sina Richard Yap, Pinky Amador, Eunice Lagunsad, John Vic de Guzman at Chuckie Dreyfuss.
Siyempre nandun si Michael Sager na may dalang flowers para kay Jillian, at iba pang Sparkle artists na sina Kyline Alcantara, Raheel Bhyria, Betong Sumaya, Althea Ablan kasama ang boyfriend na si Prince Clemente, Yasser Marta, Arra San Agustin, Jay Ortega, at marami pa.
Nakikita naman sa mga IG post ng mga dumalo ang bonggang celebration na kung saan nagpa-mini concert agad si celebrator.
Hilig kasi talaga ni Jillian ang kumanta, kaya talagang pinaghandaan niya itong mga production numbers niya sa kanyang birthday.
Nandun ang halos lahat nang Sparkle artists lalo na ang close kay Jillian.
Pero marami raw ang nakapansin kung kanino talaga close si Jillian, pero ayaw pa niyang magsalita tungkol sa lovelife.
May mga nagdududa kung sinong guwapong Sparkle actor ang nanliligaw sa kanya. Pero ayaw pa niyang mag-comment.
Sabi lang niya, “Basta ako po, especially po this year, sabi ko talaga gusto ko maging mas open, maging mas vulnerable sa mga tao, to be more honest. So, kung meron man po ako mame-meet or makaka-date o ano man, I promise ite-text po kita at ipapakita ko sa ‘yo,” safe niyang sagot sa interview sa kanya ni Nelson Canlas ng 24 Oras.
Nagulantang lang ang ilang guests sa birthday celebration ni Jillian nang biglang hinimatay raw ang Mommy nito.
Sabi ng ilang napagtanungan namin, sobrang nangarag daw si Mommy Jeniffer Ward sa paghahanda sa selebrasyong ito ng kanyang anak.
Masama na raw ang pakiramdam niya nung umaga pa lang. Pero personal daw talaga niyang inasikaso ang birthday party. Kaya kinagabihan ay bumigay na raw ito. Hindi na raw niya kinaya, kaya bigla na lang daw itong hinimatay.
Kaagad naman daw itong nasaklolohan ng nandun sa Conrad Hotel. Pero wala na kaming balita kung kumusta na siya.
Jojo Mendrez, may pasabog!
Hindi pa rin tapos ang isyu nina Mark Herras at ng Revival King na si Jojo Mendrez.
Ang dami pa ring nagtatanong sa amin tungkol sa dalawa, na tila ipinapalabas na meron talagang namamagitan sa kanilang dalawa.
Ang latest pa ngayon na ipinost ng mag-asawang Mark at Nicole Donesa ay ang blessing ng ipinapagawa nilang bahay, na tinawag nilang Casa Corky.
Wala raw ba roon si Jojo Mendrez? Ano raw kaya ang ambag ng Revival King sa bahay na ‘yun? Ayaw na ni Jojo na magsalita tungkol pa kay Mark.
“Pero sasagutin ko lahat ‘yan, promise,” tipid na sagot sa akin ni Jojo nang mag-message ako sa kanya sa Messenger.
Mukhang meron pang pasabog si Jojo Mendrez na may kaugnayan sa promo ng revival song niyang Somewhere In My Past.
May collab kaya sila ni Mark diyan? Hindi na sumagot si Jojo. Basta abangan na lang daw.
Samantala, hindi pa rin tinatantanan si Jojo ng mga basher dahil sa title niyang Revival King.
Kinukuwestiyon bakit sa kanya ibinigay ang titulong ‘yun. Hindi naman daw hiningi ‘yan ng businessman/singer. “Actually hindi naman mahalaga sa akin actually ‘yung title na yan, e! ‘Yan na nga ang pinag-aawayan ngayon.
“Kaya nga nai-irritate ako ‘pag naririnig ko na parang nag-aaway sa title ng Revival King,” pakli niya.
