October 29, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Naibulsa ni Behrouz Mohammad Madi Mojdeh ang Most Outstanding Swimmer (MOS) award sa boys’ 13-14 division ng 2025 Buccaneer Invitational Swim Meet na ginanap sa St. Mary’s International School’s swimming pool sa Tokyo, Japan.
Nakamit ito ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) ace tanker matapos walisin ang lahat ng events nito sa kanyang dibisyon.
Anim na gintong medalya ang nakamit nito sa individual events habang pinamunuan nito ang relay team sa pagkopo ng karagdagang dalawang ginto pa.
Nakasikwat ng ginto si Mojdeh sa 400m Individual medley, 100m butterfly at 200m breaststroke sa opening day habang naghari ito sa 200m butterfly, 200m Individual Medley at 100m breaststroke sa second day.
Bumandera pa si Mojdeh sa 200m medley relay at 200m freestyle relay para makumpleto ang matamis na eight-gold sweep.
Nakalikom si Mojdeh ng kabuuang 54 puntos para talunin ang dalawang swimmers ng host St. Mary’s Swimming Team Buccaneers na sina Daniel Jones at Lyle Hansen na parehong may 44 puntos para pagsaluhan ang runner-up trophy.
Pumangatlo naman ang isa pang miyembro ng BEST na si Taggs Winston na may nalikom na 41 puntos para makuha ang third place MOST sa kanilang dibisyon.
Masaya si Mojdeh sa resulta ng kanyang mga laban lalo pa’t naghahanda ito para sa NCAA Season 101 swimming competition sa Disyembre.
Bahagi si Mojdeh ng La Salle-Greenhills swimming team kung saan masisilayan ito sa kauna-unahang pagkakataon sa NCAA.
“I’m really excited to compete in the NCAA. It’s my first time in the league and I want to enjoy it as much as possible. I’ll do my best and fight for my school,” ani Mojdeh.
Maliban kina Mojdeh at Taggs, kasama rin sa BEST tankers na lumahok sa torneo sina Juancho Mikhael Jamon, Richard Kenneth Taggs, at Alyzae Angela Taggs gayundin sina Brent International School-Manila tankers Kaidyn Brie Waskiewicz at Tanji Elleise Waskiewicz.
