August 12, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Malaki ang pasasalamat ni Kaila Napolis matapos makahirit ng pilak na medalya sa women’s ju-jitsu event ng 2025 World Games na ginaganap sa Chengdu, China.
Ito ang unang medalya ng Team Philippines sa Chengdu na inaasahang madaragdagan pa sa mga susunod na araw sa oras na sumabak pa ang ibang Pinoy athletes partikular na ang billiards team na may malakas na tsansang makahirit ng medalya.
Nagkasya lamang sa pilak si Napolis matapos itong matalo kay South Korean Eon Ju Im sa gold medal match ng women’s ne-waza 52kg category noong Linggo ng gabi.
Umabante sa finals si Napolis nang pataubin nito si Pnina Aronov ng Israel sa semis.
“Silver at the 2025 World Games. Grateful to stand on the podium after going up against world champions and the top 6 in my division,” ani Napolis.
Para kay Napolis, ang panalong ito ay bunga ng kaniyang pagsisikap at tiwala ng mga coaches nito sa kaniyang kakayahan.
Partikular na tinukoy ni Napolis si many-time Southeast Asian Games gold medalist John Baylon na siyang tumutulong sa kaniyang training at pagbuo ng mga taktika sa bawat laban.
“This medal carries all your effort, support, and belief in me. Coach John John Baylon, thank you for being in my corner and pag sigaw ng mga gagawin,” ani Napolis.
Nagpasalamat din si Napolis sa teammate nitong si Annie Ramirez na kasama nito sa training.
Nasibak si Ramirez sa women’s -57kg division.