Napundi na ang ilaw sa Kamara


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

September 24, 2025 | 12:00am

SA demokrasya, walang forever. Ang kapangyarihan, hiram lang ‘yan. Puwedeng bawiin, puwedeng kalusin, at obligado kang managot sa tao. Pero si Martin Romualdez, akala mo may-ari ng bansa.

Tatlong taon siyang nagyabang, nagpatong ng pangalan sa ilusyon na siya ang hari ng Kamara. Ngayon, tapos na ang ilusyon. Bagsak siya. At hindi lang siya  kundi lahat ng maki­nang pinatakbo ng yabang at kabastusan.

Hindi naman biglaan ang pagkadapa niya. Simula pa dati, laganap na ang tsismis bilyong pondo sa budget insertions, flood-control kuno, mga proyektong walang saysay.

Ang dapat para sa paaralan, ospital, at kalsada, napunta raw sa bulsa ng kung sinu-sino. Ang Kongreso, na dapat bantay ng kaban ng bayan, naging parang palengke ng pabor at bayad-utang.

Sabi ng Konstitusyon, ang posisyon sa gobyerno, tiwala ng bayan. Pero para kay Romualdez, parang negosyo ng pamilya. Ang mga tuta niya sa Kamara, ginantimpalaan ng pondo. Ang mga kumontra, tinaboy sa gilid. Hindi ‘yon lide­rato, kundi sindikato na naka-jacket ng “public service.”

Ngayon, ayan na. Hindi na malulusutan. Wala nang tsansa si Romualdez na magpabango. Sobra na ang baho, at pati pinsan niyang si BBM, na may sarili ring pasan na eskandalo, hindi na siya kayang isalba. Sa pulitika, ang pag­tatanggol kay Romualdez ngayon ay parang tumalon sa bangin na walang lubid.

Nasaan na ang mga alipores niyang tinaguriang “high six”? Dati, ingay ng mga aso. Ngayon, naglaho. Si Zaldy Co, nasa U.S., enjoy-enjoy habang nagtatago. Si Dong Gonzales, hindi na makita. Sina Dalipe at Gardiola, biglang nawala sa eksena. Si Suarez, ngayon parang kuting na nawalan ng tinik.

Maging sina Benny Abante at Gerville Luistro, na dati’y lakas-loob sa mikropono, biglang tumahimik. Noon, daig pa ang leon sa sigaw. Ngayon, parang daga na lang umano sa lungga.

At teka, pati ang Makabayan bloc, na sanay mang-asar at manggulo, biglang walang gana. Bakit?  Kasi alam nila walang saysay ang sumalba sa isang nalunod. Nakamamatay sa karera ang kumampi kay Romualdez ngayon. Kung pati dating kritiko ay ayaw na mag-abot ng tulong, ibig sabihin, tapos na talaga ang laban.

Para ito sa lahat ng nasa pwesto oo, matiisin ang Pilipino, pero hindi uto-uto. Oo, mahaba ang pisi ng bayan, pero kapag pumutok na, wasak ka. Walang forever sa kapangyarihan. Kapag napundi ang kandila, kahit gaano ka pa kalakas sumigaw, wala ka nang matatakbuhan.

At huwag tayong paloko. Hindi pagbibitiw na may “sakripisyo” ang ginawa ni Romualdez. Hindi siya bumaba dahil sa puso. Bumaba siya kasi wala na siyang choice. Gumuho na ang imperyo niya sa bigat ng sariling kasakiman.

Tatlong taon siyang nag-ambisyon ng dinastiya. Pero ang kapangyarihang itinayo sa takutan at pamumulitika, babagsak at babagsak ‘pag dumating ang araw ng singilan. At dumating na nga!

At tandaan: hindi dito nagtatapos ang laban. Dapat pa ring itanong saan napunta ang pera? Sino ang kumita? Sino ang pumirma? Sino ang nakinabang? Hindi matatapos ang mga tanong sa pagbibitiw niya. Hahabulin siya at lahat ng kasabwat niya hanggang sa huling sentimo at makulong.

Sa huli, ang pagbagsak ni Romualdez ay hindi lang personal na malas — ito’y panalo ng bayan. Paalala ito na kahit gaano ka kalaki, kahit anong dinastiya, kahit anong barkadahan ng gahaman, hindi ka tatagal laban sa galit ng tao at sa bigat ng batas.

Disklaymer: Ito’y matinding opinyon, hindi tsismis, hindi fake news. Mga kabataan, huwag n’yong sabihing wala kayong pakialam. Ito ang kinabukasan ninyo na nilulustay ng mga pulitiko. Kung hindi kayo kikilos, paulit-ulit tayong malulunod sa mga ganitong klase ng lider. Tandaan ninyo sa pulitika, walang forever — at walang ligtas ang korap.