NAS sa bawat regional campus itinulak ni Bong Go


MANILA, Philippines — Gusto ni Senador Christopher “Bong” Go na mailapit ang specialized sports education sa mahihirap na kabataan sa grass­roots, partikular sa Visayas at Mindanao.

Kaya naman itinutulak niyang magkaroon ng National Academy of Sports (NAS) sa bawat regional campus.

“Ito naman po sa NAS, under Republic Act No. 11470, the NAS Board shall provide for policies for the organization of future nationally funded high schools for sports,” ani Go sa kanyang speech sa pagdiriwang ng 5th Founding Anniversary ng NAS sa New Clark City, Capas, Tarlac noong Hunyo 19.

Binigyang-diin ng Senador na ang desentralisadong access sa sports-focused education ay maaaring magbigay ng pantay na oportunidad sa mga batang atleta na hindi nakararating sa Metro Manila o Luzon dahil sa kawalan ng pera.

Sinabi ni Go na tinatalakay na ng CHED (Commission on Higher Education), DepEd (Department of Education), PSC (Philippine Sports Commission) at ng Executive Director ang regionalization ng NAS.

Muling pinagtibay ni Go, chairperson ng Senate Committee on Sports, ang kanyang pangako na ipagpapatuloy ang inisyatiba sa pamamagitan ng lehislatibo at hinikayat ang kooperasyon ng mga ahensya ng gobyerno at mga stakeholders.

Ang panukalang ito ay matagal nang agenda ni Go para itaguyod ang grassroots-oriented sports development.

Mula nang pamunuan ng komite noong 2019 ay tumulong siya sa pagsisimula ng historic era ng Philippine athletics.

Nakamit ng bansa ang kauna-unahang Olympic gold medal sa 2020 Tokyo Games mula sa panalo ni weightlifter Hidilyn Diaz na sinundan ng double-gold ni gymnast Carlos Edriel Yulo sa 2024 Paris Olympics.

Ang papel ni Go sa pagpapaunlad ng sports ay higit pa sa paggawa ng batas. Bilang sponsor ng sports budget sa Senado ay naging instrumento siya sa pagpapanatili ng suporta ng gobyerno para sa sektor.

Itinulak niya ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga pasilidad sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila at PhilSports Arena sa Pasig City.