August 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Malakanyang na nagbitiw sa puwesto si National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Sa isang mensahe ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa Malacanang Press Corp (MPC) sinabi nito na nagsumite ng “irrevocable resignation” si Santiago.
Sa isang pahinang liham ni Santiago kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang August 15, 2025 sinabi ni Santiago na may “orchestrated move” para sirain ang kanyang reputasyon matapos ang kanyang paglaban sa umano’y mga “scalawag” sa ahensiya.
Ang galawang ito ng kanyang “detractors” na paninira sa kanyang reputasyon ang nagtulak sa kanya para magbitiw sa puwesto.
Sa bandang huli pinasalamatan naman ni Santiago si Marcos sa pagkakataong ibinigay sa kanya para maging bahagi ng administrasyon.
Ayon naman kay Santiago, magiging epektibo kaaagad ang kanyang pagbibitiw sa sandaling magtalaga na si Marcos ng kanyang kapalit.
Isa naman aniya sa tinitingnang posibleng dahilan ng paninira kay Santiago ay ang “sabwatan” ng kriminal kabilang na ang mga sangkot sa POGO dahil sa seryosong pag-iimbestiga, pag-aresto at pagsasampa ng mga kaso sa mga sangkot sa kriminalidad.
Kamakailan ay binuwag din ni Santiago ang isang unit na sangkot sa mga katiwalian.
Sinabi naman ni Castro na wala pang komento si Pangulong Marcos sa pagbibitiw ni Santiago.
