NLEX kampeon sa Kadayawan | Pilipino Star Ngayon


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagpasikat ang NLEX bago ang PBA Season 50 nang kaldagin ang Blackwater, 101-84, upang pagharian ang 2025 Kadayawan Invitational Basketball Tournament kamakalawa sa University of Southeastern Philippines Gym sa Davao City

Kumamada ng 19 puntos si Xyrus Torres habang may 16 puntos at 12 rebounds si Anthony Semerad na tinanghal na Finals MVP matapos trangkuhan ang 27-19 panapos na bomba ng Road Warriors.

Halos hindi kinailangan ng mga bataan ni coach Jong Uichico ang pagliyab ni Robert Bolick na nagkasya lang sa 8 puntos pero minanduhan ang kanilang opensa sa 9 na assists sahog pa ang 6 rebounds para sa all-around play.

Nagdagdag din ng 12 puntos at 11 rebounds si JB Bahio habang may 10 puntos si Dominick Fajardo para sa NLEX na naiganti ang 95-90 kabiguan sa No. 1 at unbeaten na Blackwater noong elimination round.

 Samantala, tinambakan ng Phoenix ang Converge, 101-80, para sikwatin ang bronze medal at regaluhan ng unang panalo ang bagong head coach nito na si Willy Wilson.