NLEX send-off para sa PBA Season 50


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Magdaraos ng team send-off ang NLEX Road Warriors sa unang pagkakataon bago ang kampan­ya sa makasaysayang PBA Season 50 sa Oktubre 5 sa Smart-Araneta Coliseum.

Ilulunsad ng NLEX ang team roster nito kasama ang fans sa Biyernes sa Events Center ng SM City Clark bago sumabak sa aksyon kontra sa 11 biga­ting koponan sa selebras­yon ng golden anniversary ng PBA bilang kauna-una­hang professional basketball league sa Asya simula pa noong 1975.

Sa mga dating tradisyon ng NLEX ay private team launch lang ang idinaraos nila kasama ang mga officials ng kumpanya bago baguhin ngayon para makahalubilo ang kanilang mga fans at mga regular na empleyado ng Road Warriors.

“Malaking bagay ito sa amin na makita namin ang aming pinaglalaban at para mas mapalapit pa sa ating mga kababayan sa Norte,” dagdag naman ng superstar NLEX point guard na si Robert Bolick.

Misyon ni Bolick na madala na sa finals ang NLEX  sa mando ni head coach Jong Uichico matapos ang impresibong kampanya sa PBA Season 49 Philippine Cup matapos maging No. 2 seed sa elimination round hawak ang 8-3 kartada.

Kinapos ang Road Warriors sa quarterfinals sa kabila ng twice-to-beat incentive nito.

Ngayon, babanderahan ni Bolick ang intact core ng NLEX kasama sina Kevin Alas, Javee Mocon, Baser Amer, Xyrus Torres, Robbie Herndon, Enoch Valdez, Jonnel Policarpio, Mike Miranda, Richie Rodger, Matt Nieto, Dominick Fajardo, JB Bahio, Anthony Semerad at Jake Pascual.