MANILA, Philippines — Ang PBA Philippine Cup champion Meralco Bolts ang kakatawan sa bansa sa darating na Basketball Champions League Asia.
Ito ang inaprubahan ng PBA matapos ang pakikipag-usap sa Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Ito ang ikalawang pagkakataon na dadalhin ng Bolts ni coach Luigi Trillo ang PBA banner sa isang international meet matapos ang magkasunod na kampanya nila sa nakaraang East Asia Super League Home and Away tournaments.
Dahil sa pagsali ng Meralco sa BCL Asia ay kailangang baguhin ng PBA ang iskedyul ng kasalukuyang Season 49 Philippine Cup.
Matapos ang elimination round ng PBA AFC sa Hunyo 15 at magsisimula ang playoffs sa Hunyo 18.
“So ia-adjust namin ‘yung Philippine Cup schedule para dito,” wika ni PBA Commissioner Willie Marcial. “Kaya nagpapasalamat ang PBA at ang PBA Board sa Meralco na magre-represent sa atin.”
Nagdaos na si Marcial ng isang zoom meeting sa lahat ng team managers para sa pag-a-adjust ng iskedyul sa kumperensya.
“Nag-meeting na si Deputy Commissioner Eric Castro with the team managers na ia-adjust nga natin ‘yung schedule dahil nga sa Basketball Champions League. Sumang-ayon naman lahat sila,” dagdag ng PBA Commissioner.
Nakatakda ang BCL Asia, dating FIBA Asia Champions League, sa Hunyo 9 hanggang 15.
Maaaring humugot ang Bolts ng dalawang imports sa kanilang pagsabak sa torneo.
Ibinalik ang FIBA Asia Champions League noong 2024 bilang BCL Asia matapos itigil ng ilang taon dahil sa pandemya.
