Nominee ng party-list, nagpupumilit maupo sa Kongreso!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

November 16, 2025 | 12:00am

NAGKUKUMAHOG ang isang nominee ng party-list group para maupo sa puwesto habang nagkakagulo ang Kongreso dahil sa mga isinisiwalat ni ex-Ako Bicol partylist Zaldy Co. At ayon sa mga kosa ko, kinakutsaba ni nominee ang dalawang opisyal ng Commission on Elections para maisakatuparan ang kanyang maitim na balak. Magkano….este paano?

Kaya’t dapat bantayan ni Comelec chairman George Garcia ang kanyang mga commissioners at baka mabukulan s’ya. Araguyyy! Para sa kaalaman ni Garcia, kumpleto na ang nakaupong nominees ng party-list sa Tongreso…este Kongreso kaya lang sa tulong ng dalawang Comelec commis­sioner’s baka palarin pa si nominee na maiupo ang sarili. Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!

Sa totoo lang, ang huling pinaupo ng Comelec na party-list nominee ay si Jan Franz Almario Chan, ng Ako Bicol partylist bilang kapalit ni Co, na umamin sa kanyang role sa laganap na corruption sa 2025 GAA. Si Co ay dating chairman ng Committee on Appropriations ng Lower House.

Si Chan ay 3rd nominee ng Ako Bicol kaya sa pagkalaglag kay Co, matic na siya ang papalit. Ang Ako Bicol ay nakakuha ng 1,073,119 na boto ng nakaraang May elections kaya’t dalawang puwesto ang nakuha nila sa HOR. Si Chan ay nag-take oath na sa Comelec nitong Nov. 12.

Teka, teka, liliwanagin ko lang mga kosa, hindi si Chan ang tinutukoy ni Dipuga na nagpupumilit na maupo sa puwesto ha? Pero dahil sa pagbulgar ni Co kung sinu-sino ang nasa likod nang malawakang corruption sa 2025 budget, may semplang kaya si Chan? Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Pero dahil sa ikinikilos nitong pursigidong nominee, lumalakas ang ugong na may ayusan palang nangyayari maging sa party-list system? Dapat sagutin ni Garcia ang katanungang ito, di ba mga kosa? Kapag napaupo ang tinu­tukoy na nominee, abayyy “lutong makaw” ang mangyayari. At t’yak malaking halaga ang mawawala sa bulsa ni nominee. Dipugaaa!

Ayon sa mga kosa ko, gumugulong na ang papeles nitong nominee at kapag hindi naaksiyunan ito ni Garcia, hindi lang mabubulaga s’ya, kundi mabukulan pa. Get’s n’yo mga kosa? Ang modus operandi ng dalawang commissioner, ayon sa mga kosa ko, ay magpa-resign ng nakaupong Partylist rep para palitan ni nominee. Ibig sabihin Huhudasin ni nominee ang kasamahan n’ya? Purbidang yawaahhhhh! Kay dumi ng pulitka sa Pinas, no mga kosa? Ganun na nga! Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Iginiit naman ng mga kosa ko na hindi naman pro-admin itong si nominee kaya lang nagkukumahog itong maupo sa Kongreso para protektahan ang kanyang negosyo. Hayun, lumabas din ang katotohanan, no mga kosa? Teka, teka! Kung proteksyon ang habol, malamang may problema sa mga negosyo sa gobyerno ang hitad na nais maupo! Malapit daw itong si nominee sa dating Speaker at nais din nitong mabiyayaan ng mga proyekto, tulad ng flood control. Hehehe! Late ka na boss!

May iba pa kayang raket sa Comelec? Abangan!