October 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sampa sa semifinals ang National University at University of Sto. Tomas matapos nilang magtala ng magkahiwalay na panalo sa quarterfinals ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup na nilaro sa San Andres Gym sa Manila kahapon.
Tiniris ng three-time defending champion at unbeaten, Lady Bulldogs sa apat na sets ang San Beda University, 26-24, 25-27, 25-18, 25-16 sa unang laro habang winalis ng Golden Tigresses ang Ateneo de Manila University, 25-16, 25-21, 25-21 sa pangalawang sultada.
Parehong may tangan na twice-to-beat advantage ang NU at UST sa quarters matapos nilang hawakan ang top seeding sa Pool E at Pool F, ayon sa pagkakasunod sa second round ng event na katuwang ang Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Kinapitan ng four-peat seeking, NU si sophomore open spiker Celine Marsh sa opensa matapos ilista ang game-high 23 points, mula sa 21 attacks at dalawang blocks upang punan ang pagliban sa laro nina Sam Cantada at Denesse Daylisan na kasalukuyang pumapalo ng bola sa national team sa 2025 Asian Youth Games sa Bahrain.
Para kay Marsh hindi pa siya kuntento sa ipinakitang laro ng kanyang koponan kahit nagwagi sila sa event na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, Summit, Team Rebel Sports, Belo Deo, Eurotel- Apo View Hotel, Batangas Country Club, Executive Optical, Baic Auto Philippines, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
