September 20, 2025 | 12:00am
Nagyaya si Ogie Alcasid sa gaganaping malawakang rally laban sa korapsyon sa Linggo, Sept. 21.
Meron sa EDSA, Luneta at sa Liwasang Bonifacio.
“Hinihikayat ko ang lahat, Sunday naman,” sabi ni Ogie kahapon nang maka-chika namin sandali pagkatapos ng It’s Showtime.
At kung mahihirapan aniya sa parking, may mga lugar naman na pwedeng puntahan upang doon iwanan ang kanilang sasakyan.
“Makinig tayo, kasi meron tayong mapupulot doon,” dagdag niya.
“May magsasalita na may matututunan tayo,” sabi pa Ogie.
Pero hindi niya makakasama ang misis na si Regine Velasquez.
Hindi na bago ang ganitong rally kay Ogie.
“EDSA baby ako, 1986, I was first year college, nag-aaral ako noon sa UP Los Baños, pagkatapos ng klase namin, punta ako sa EDSA, kahit sa Los Baños ang klase, nakikinig kami sa Radio Veritas, hanggang nawala siya sa ere,” pag-aalala niya.
Kaya importante raw magdasal.
“Kailangan nating hilingin, kasi nung pandemic dasal tayo nang dasal na matapos na ang pandemic. Nangyari natapos.
Naniniwala rin siya sa “Absolute power corrupts absolutely” na famous phrase ni Lord Acton na ibig sabihin, kapag mas maraming kapangyarihan ang hawak ng isang tao, mas malaki ang panganib na abusuhin nila ito at mawalan ng moral. “Kaya kailangan nating ipadasal ang mga leader natin na hindi sila masilaw sa korapsyon,” banggit pa ni Ogie.
Pero hindi lahat ng host ng It’s Showtime ay sa EDSA pupunta.
Si Vice Ganda ay nag-aya na sa Luneta: “Magkita-kita tayo sa Luneta sa Linggo. Oras na para wakasan ang kagarapalan ng mga ha— na magnanakaw sa gobyerno,” ang post naman ni Vice.
Samantala, babalik siya sa Bubble Gang.
After 10 years?
Hanggang may nag-joke na baka naman gumanap siyang Curlee Discaya, mister ni Sarah Discaya na kasalukuyang iniimbestigahan sa anomalya sa flood control project.
Kahapon ay nakipagpulong ang mag-asawang Discaya kay Justice Secretary Jesus Crispina Remulla hinggil diumano sa application nila para sa Witness Protection Program (WPP).
Pero joke lang naman dahil nga si Michael V. ay gumaganap na Ciala Dismaya.
Matagal na ring hindi napanood si Ogie sa Bubble Gang, since lumipat siya noon sa ABS-CBN ay hindi na siya nakaapak sa programa ng Kapuso Network.
Ten years ago, ang pag-aalala niya ang huling paglabas niya sa programa niya ring pinanggalingan.
Nagsi-celebrate ng anniversary ang Bubble Gang ng kanilang 30th this October.
Samantala, masayang-masaya si Ogie dahil millions ang listeners niya sa Spotify na hindi niya talaga in-expect na ganun pa rin ang pagtanggap sa kanyang mga kanta.
Like ang Hanggang Ngayon ay may 31,411,830 listeners, Nandito Ako 14,362,921, Ikaw Sana 10,556,253, Bakit Ngayon Ka Lang 9,196,302 at marami pang iba.
At na-appreciate niya ang tulong ng mga kabataan like Kai Montinola and Belle Mariano na nung naka-duet niya sa Nandito Ako ay sumipa ang number of listeners nito na may 3.3 million listeners monthly.
Na aminado si Ogie na late na niya na-realize na natulungan pala siya na mas ipakilala sa mga kabataan ang nasabing kanta niya.
Malaking bagay rin ang Nandito Ako version ni Rob Deniel. “And it’s a big thing for me,” sabi ni Ogie.
Samantala, wala kaming nakuhang kahit katiting na information nang kumustahin namin kung malungkot ba ngayon si Ryan Bang na balita ngang split na sa kanyang fiancee na si Paola Huyong.
Wala raw talaga silang alam at hindi rin nila namalayan nung nasa ASAP London sila dahil na-busy sila sa pamamasyal at panonood ng concert ng Coldplay.
