November 29, 2025 | 12:00am
CAMP GEN. ALEJO S. SANTOS, Philippines — Naaresto na ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang katiwala sa palaisdaan sa Brgy. Matungao, Bulakan, Bulacan matapos ang mabilis na pagtugon ng mga barangay tanod at Bulakan Municipal Police kamakalawa ng umaga.
Ang naarestong suspek na tinukoy lang ng pulisya sa alyas na “Rey”, 54 taong gulang, construction worker at residente ng Brgy. Matungao, Bulakan ay nakapiit na at mahaharap sa kasong pagpatay.
Batay sa ulat ni PLt. Col. Rodelisa San Buenaventura, acting chief ng Bulakan Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si alyas “JC”, 58 taong gulang, isang fishpond caretaker at residente ng Brgy. Bambang, Bulakan, Bulacan.
Si JC ay binawian ng buhay matapos barilin dakong alas-10:30 ng umaga noong Nobyembre 26, 2025 sa San Miguel St., Triple Junction, Brgy. Matungao Ng nasabing bayan.
Ayon sa Bulakan MPS, dakong alas-6:30 ng umaga ng Nobyembre 27, 2025, nakatanggap ng impormasyon ang istasyon mula sa mga tanod ng Brgy. San Francisco tungkol sa isang lalaking kahina-hinala na tumugma sa inilabas na deskripsyon ng suspek na may basang damit, nakasuot ng itim na shorts, itim na sleeveless shirt, itim na lousy hat, tsinelas, at may dalang itim na bag. Nang tanungin ng mga tanod kung siya si alyas “Rey”, umamin ang lalaki at agad siyang dinakip.
Pahayag ni PCol. Angel Garcillano, director ng Bulacan Police Provincial Office- “Ang mabilis na pagkakaaresto sa suspek ay patunay sa kahusayan at pagtutulungan ng komunidad at kapulisan. Hindi natin hahayaang manaig ang karahasan at patuloy nating poprotektahan ang bawat mamamayan ng Bulacan.”