P6.8 milyong droga nasamsam ng PRO-BAR sa Lanao


COTABATO CITY , Philippines — Tatlo katao ang nakunan ng P6.8 million na halaga ng shabu sa isang police entrapment operation sa Barangay Pantar sa Lumbatan, Lanao del Sur sa Bangsamoro region nitong Martes.

Nakadetine na ang tatlo na sina Jamen Malimgas Blo, 30-anyos, si Ja­mael Blo Mamacotao, 30-anyos, at ang kanilang 32-anyos na babaeng kasab­wat na si Jhohanie Macalangan Nabel. Nakumpiskahan ang tatlo sa naturang entrapment operation ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million.

Sa ulat ni Police Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng PRO-BAR, agad na inaresto ng magkasanib ng mga operatiba ng iba’t ibang mga police units ang tatlo matapos silang bentahan ng shabu sa isang lugar sa Barangay Pantar sa Lumbatan.

Kinasuhan na ang tatlo sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 gamit ang P6.8 million na halaga ng shabu na nasamsam mula sa kanila bilang ebidensya.