P605 milyong smuggled yosi nasabat ng BOC sa Bulacan


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

August 28, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Naaresto ang tatlo katao sa isinagawang raid ng Bureau of Customs sa isang warehouse sa Plaridel, Bulacan at nadiskubre ang libu-libong master cases ng smuggled na sigarilyo.

Ayon sa BOC, aabot sa mahigit 8,600 master case ng imported na sigarilyo mula China at Vietnam ang natagpuan sa warehouse na nagkakahalaga ng P605.29 million.

Isinagawa ang inspeksyon sa bisa ng Letter of Authority matapos ang intelligence reports mula sa CIIS-MICP sa pamumuno ni Intelligence Officer 4 Alvin Enciso kaugnay sa kahina-hinalang laman ng nasabing warehouse.

Ang mga sigarilyo ay walang Bureau of Internal Revenue (BIR) tax stamps at hindi rin nagtataglay ng graphic health warnings.

Pinangunahan ng BOC-Intelligence and Enforcement Groups ang operasyon katuwang ang Intellectual Property Rights Division, Customs Intelligence and Investigation Service–Manila International Container Port, at Enforcement and Security Service–Port of Manila sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, at mga opisyal ng barangay sa Bulihan.

Nagpalabas na din ng Warrant of Seizure and Detention sa mga nakumpisang sigarilyo dahil sa paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).