MANILA, Philippines — Dumarami ang mga legendary boxers na naniniwalang mananalo si eight-division world champion Manny Pacquiao laban kay reigning World Boxing Council (WBC) welterweight champion Mario Barrios.
Nakatakdang magkrus ang landas nina Pacquiao at Barrios sa Hulyo 20 (Manila time) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Marami ang nakaabang sa pagbabalik-aksiyon ni Pacquiao na muling sasalang sa ring matapos ang apat na taong pamamahinga.
Isa na rito si dating light heavyweight world champion Bernard Hopkins na excited nang makita ang Pacquiao-Barrios match.
Naniniwala si Hopkins na makukuha ni Pacquiao ang panalo laban kay Barrios.
Alam ni Hopkins na underdog si Pacquiao sa laban.
Ngunit malaki ang tiwala nito sa kakayahan ng Pinoy champion.
“I’m rooting for Manny because I know if anyone can do it, it’s him. I think Barrios is a B-plus fighter. I believe, yes, Pacquiao’s got some mileage on him, yes, he’s politically mentally tied in, but he has the speed, he has the experience to get the upset,” ani Hopkins sa panayam ng The Ring at nagbigay pa ng prediksiyon.
“As a matter of fact, Manny could beat him by decision. He won’t get the stoppage,” dagdag ni Hopkins.
Ilan sa mga ipinunto ni Hopkins ay ang ang malalim na karanasan ni Pacquiao na magiging armas nito laban sa 30-anyos na si Barrios.
