September 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nalungkot si eight-division world champion Manny Pacquiao sa pagpanaw ni British boxer Ricky Hatton na itinuturing nitong kaibigan sa mundo ng boksing.
Natagpuang patay si Hatton sa kanyang tahaan sa Greater Manchester kaya’t nagulantang ang mga kapwa boksingero nito sa masamang balita na bumungad noong Linggo.
Nasa 46-anyos pa lamang ang Boxing Hall of Fame inductee na si Hatton.
Hindi pa matukoy ang dahilan ng pagkamatay ni Hatton.
Nakalaban na ni Pacquiao si Hatton noong 2009 kung saan naitala nito ang second round knockout win sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Tinukoy ni Pacquiao si Hatton bilang isang mahusay na boksingero.
Itinuturing din nitong mabuting kaibigan si Hatton.
“I am deeply saddened to hear about the passing of Ricky Hatton. He was not only a great fighter inside the ring but also a brave and kind man in life,” ani Pacquiao sa kanyang post sa social media.
Nagbigay-pugay din si Pacquiao sa katapangan ni Hatton sa loob at labas ng ring na hindi nito malilimutan sa kanyang boxing career.
“We shared unforgettable moments in boxing history and I will always honor the respect and sportsmanship he showed,” ani Pacquiao.
Matatandaang nagretiro si Hatton noong 2012 nang matalo ito kay Vyacheslav Senchenko ng Ukraine via ninth-round knockout sa Manchester, England.
Nakatakda sanang magbalik sa boxing si Hatton sa Disyembre kung saan makakalaban sana nito si Eisa Al Dah sa Dubai, United Arab Emirates.
Subalit hindi na ito matutuloy dahil sa pagpanaw ng British pug.
“Ricky fought bravely, not just in the ring, but in his journey through life. He truly had a good fight, and we are all blessed to have been part of his wonderful journey,” dagdag ni Pacquiao.
Nag-alay ng panalangin si Pacquiao para kay Hatton at sa mga naiwang pamilya nito.
“My prayers and deepest condolences go out to the Hatton family and all his loved ones. May the Lord give you strength and comfort in this difficult time. May he rest in peace,” ani Pacquiao.
