October 26, 2025 | 12:00am
GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Pinamunuan ni boxing legend Manny Pacquiao ang makulay na opening ceremony ng 2025 Batang Pinoy kahapon dito sa Antonio Acharon Sports Complex.
Nakasuot ng espesyal na Batang Pinoy track suit, nakasama ni Pacquiao sina Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz-Naranjo, Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio at GenSan Mayor Lorelie G. Pacquiao.
Hinikayat ni ‘Pacman’ ang mga batang atleta na magsumikap para marating ang kanilang pangarap na mabigyan ng karangalan ang bansa.
Bago ito ay bumuhos muna ang malakas na ulan kasunod ang paghinto matapos ang isang oras sakto sa opening ceremony.
“In the next five days you will compete. Ito lang po ang mensahe ko sa inyong lahat. From grassroots to gold, from gold to greatness,” ani Gregorio. “Dapat sa 2028 Olympics sa LA, sa 2032 Olympics sa Brisbane, ang susunod na Olympian ay manggagaling sa Batang Pinoy.”
Pumarada ang mga delegado ng 188 Local Government Units (LGUs) tampok ang kabuuang 18,927 batang atletang may edad 17-anyos pababa.
Pag-aagawan nila ang mga gintong medalya sa kabuuang 27 sports events.
Paglalabanan ngayong araw ang 14 gold medals sa athletics, habang 12 ang nakataya sa cycling kung saan ang anim dito ay sa cross country mountain bike sa Brgy. Tambler Kalatao-Don Ricardo’s Chocolate factory at anim sa road biking races sa General Santos City Circumferential Road.
Apat na golds ang bubuhatin sa weightlifting competitions sa Barangay Labangal Gymnasium.
Ang Pasig City ang magdedepensa sa kanilang koronang inagaw sa four-time champions Baguio City noong 2024 Batang Pinoy sa Puerto Princesa City sa Palawan.
