MANILA, Philippines — Inaasahang pormal na ihahayag ni Pinoy boxing icon Manny Pacquiao sa susunod na linggo ang kanyang paghahamon kay American world welterweight king Mario Barrios.
Nakatakda itong gawin ng dating world eight-division champion sa Los Angeles, California.
Ito ay matapos na ring tanggapin ng 46-anyos na si Pacquiao ang kanyang kabiguan para sa isang silya sa Senado sa nakaraang national elections.
Tumapos si ‘Pacman’ sa No. 18.
“Tuloy ang laban. Tuloy ang serbisyo. Para sa Di-yos. Para sa bayan. Para sa bawat Pilipino,” wika ni Pacquiao sa isang statement.
Nauna nang inihayag ni World Boxing Council (WBC) president Mauricio Sulaiman ang bakbakan nina Pacquiao (68-8-2, 39 KOs) at Barrios (29-2-1, 18 KOs) sa Hulyo 19 sa Las Vegas, Nevada.
At ang hinihintay na lamang ay ang official announcement ng laban.
“Well, Pacquiao didn’t win the (Philippines) election, so I think we should have confirmation one way or the other pretty soon if he’s going to fight or not,” ani Bob Santos, ang trainer ni Barrios.
Gusto sana ni Pacquiao na makabalik sa Senado matapos matalo sa presidential election noong 2022 kung kailan siya nagretiro sa professional boxing.
“Mula sa aking puso, maraming salamat,” ani Pacquiao. “Hindi man ako nagtagumpay sa pagtakbo sa Senado, lubos ang aking pasasalamat sa bawat boto, dasal, at suporta.”
Target ng 46-anyos na si Pacquiao ang suot na WBC crown ng 29-anyos na si Barrios.
Huling umakyat sa boxing ring si Pacquiao noong Agosto ng 2021 kung saan siya nabigo kay Cuban Yordenis Ugas via unanimous decision para sa WBA welterweight title.
Si Pacquiao ay No. 5 sa WBC rankings.
