Pinag-uusapan pa lang ang pagbabalik diumano ni Toni Gonzaga sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition bilang host, nag-aaway-away na ang Kapamilya fans.
May sinabi si Toni na “Sa Aking pagbabalik” at inisip agad na baka ang pagbabalik niya ng PBB ang itinukoy.
Bale ba, may nag-comment na iba pa rin kapag siya ang host ng PBB at nag-a-announce ng mga kaganapan sa show. Nerbiyos at anxiety raw ang dating sa viewers.
Kaya lang, mas marami ang umalma ayaw nilang magbalik pa siya roon.
Tama na raw sina Bianca Gonzalez at Robi Domingo at kung sino pang Kapamilya talent ang mapiling mag-host.
Si Gabbi Garcia kasi, baka hanggang sa collab lang ng ABS-CBN at GMA magho-host.
May nagtanong naman kung bakit may naglalabasang post tungkol sa pagbabalik diumano nito sa PBB. Siguro dahil malapit nang matapos ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition at naka-line up na ang next edition, kaya may mga ganitong isyu.
Kayo ba, pabor o kontra sakaling bumalik o ibalik si Toni sa PBB?
Bianca, gitna sa Sang’gre!
Maganda ang poster ng Sang’gre na ginamit sa announcement ng grand mediacon this Sunday ng fantaserye. Larawan ng apat lang sa main cast ang nakalagay, kahit marami ang cast ng series.
Photos lang nina Angel Guardian, Kelvin Miranda, Faith da Silva at Bianca Umali ang nakalagay and of course, si Bianca ang nasa gitna. Patunay na siya ang pinakabida sa bagong edition ng Encantadia.
In fairness, marami rin ang naghihintay sa tatlo pang Sang’gre, gaya kay Sang’gre Deia na ginagampanan ni Angel. Excited na ang fans na mapanood siya na ang power ay ang husay sa archery at throwing axes.
Sa June 16 na ang world premiere ng Encantadia The Last Chronicle: Sang’gre directed by Enzo William. Si Rico Gutierrez ang in-charge sa visual effects at alam natin na mahusay siya sa aspetong ito.
Paulo, sasama na kay Kim sa Star Magic
May teaser ang Star Magic na sabi, “Is looking for A P.A.” at nakasulat ang qualifications na hinahanap nila: Male, Good, looking, pleasing personality at versatile and creative.
Ang hula agad ng netizens, si Paulo Avelino si P.A. at babalik siya sa Star Magic Philippines o magpapa-manage uli sa Star Magic.
Ikinatuwa ito ng KimPau fans nina Paulo at Kim Chiu dahil magkakasama na sila sa isang management.
Kaya lang wala pa mang formal announcement tungkol dito, may mga suggestion na ang fans sa mga gagawing project ng KimPau.
Ang nasirang si Leo Dominguez at ang LVD Management ni Leo ang matagal na nag-manage ng career ni Paulo at umalis lang siya sa nasabing kumpanya nang pumanaw si Leo.
Wala pang announcement kung kailan pipirma ng kontrata sa Star Magic Philippines si Paulo na siguradong big day sa KimPau fans.
