Pahabain ang buhay | Pilipino Star Ngayon


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

Narito ang mga payo para mapahaba ang buhay:

1. Maging aktibo ang isip – Gamitin ang utak o kung hindi, ay manghihina ito. Samakatuwid, huwag agad na magretiro sa trabaho. Isaalang-alang ang pagbalik sa eskuwela kahit na may edad na. Patuloy na gawin ang gusto mong gawin. Sa isang pag-aaral sa Rush University Medical Center sa Chicago, ang mga taong patuloy na aktibo sa pagbabasa, pag-aaral at paglutas ng mga puzzle ay halos 50 percent ang bawas sa sakit ng Alzheimers.

2. Magpapayat – Bukod sa pagiging sobra sa timbang ay malinaw na isang kadahilanan ng panganib sa pagtaba ay ang sakit sa puso, diabetes at arthritis. Ang isang pag-aaral noong 2006 ng National Institute of Health ay nagpakita na ang pagtaas ng timbang ay konektado sa mas maikling buhay. Kaya maging masaya kung ikaw ay payat.

3. Maging maingat – Ang maingat na tao ay mahaba ang buhay, ayon sa report ng Terman life-Cycle Study. Ang maingat ay isang kasanayan ng pagiging organisado at di­si­plinado sa iyong mga ginagawa. Ang maingat na tao ay ma­aaring mas alam ang kanilang pangangailangang pangkalusugan. Pinipili niya ang mas masustansiyang pagkain. Ipinapakita rin sa isang pag-aaral na ang mga batang hindi maingat ay namamatay ng maaga. Ang isang leksyon ay turuan ang ating mga anak na alalahanin ang kanilang kalusugan.

4. Isiping bata pa – Kapag inisip mo na ikaw ay matanda na, mararamdaman mo na ikaw nga ay matanda na. Ngunit kung iisipin na ika’y bata pa ay ang iyong katawan ay susunod. Panatilihin na ikaw ay bukas sa mga bagong hamon at opor­tunidad kahit na ano pa ang edad. Maging maalam sa mga balita. Pag-aralan ang mga bagong technology sa halip na ito ay iwasan. Makisalamuha sa mga mas bata sa iyo para ma­hawahan ng kanilang lakas. Kumain ng sapat at tumulong sa komunidad.

* * *

Mga nangungunang sakit ng Pinoys

1. Altapresyon – Kapag ang inyong blood pressure ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood pressure na kayo. Isa sa apat na Pilipino ay may high blood pressure. Ang normal na blood pressure ay mababa sa 140 over 90.

Heto ang mga tips para bumaba ang blood pressure: (1) Magbawas ng timbang; (2) Magbawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa paggamit ng asin, toyo, patis at bagoong; at (3) Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang limang beses bawat linggo. Kapag palaging mataas sa 140/90 ang iyong blood pressure, kailangan mo nang uminom ng gamot.

2. Diabetes – Kung may nararamdamang pamamanhid, laging nauuhaw, madalas umihi, o namamayat, magpa-check sa diabetes. Kapag ang blood sugar ay higit sa 126 mg/dl pagkatapos ng 10 oras na hindi pagkain (fasting blood sugar), nangangahulugang may diabetes na kayo. Umiwas sa dalawang bagay: Matataba at matatamis na pagkain. Mag-ehersisyo rin ng regular at huwag magpataba.

Depende sa taas ng iyong blood sugar, may mga mura at mabisang gamot sa diabetes, tulad ng Metformin at Gliclazide. Kung hindi mako-kontrol ang iyong blood sugar, ay mapapabilis ang pagdating ng komplikasyon nito.

3. Mataas na cholesterol – Mataas ang cholesterol kapag lampas ito sa 200 mg/dl. Magdiyeta na. Posibleng kailangan uminom ng gamot kapag lampas sa 240 ang cholesterol. Subukang magdiyeta ng dalawang buwan. Iwas taba, karne, cakes at icing muna. Pagkaraan ng dalawang buwan, ipa-test uli ang cholesterol at kapag lampas ulit sa 240 mg/dl, doon magsisimula ng gamot na Statins.

4. Sakit sa kidneys – Kung mayroong diabetes o high blood pressure, kailangang bantayan ang kidneys. Ang diabetes at high blood ay nakasisira sa kidneys. Kadalasan ay walang nararamdaman ang mga taong may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi.

Heto ang tips: (1) Bawasan ang alat ng pagkain; (2) Limitahan ang protina sa pagkain. Damihan ang isda, gulay at prutas; (3) Iwasan ang pag-inom ng pain relievers o gamot sa kirot; (4) Uminom ng walo hanggang 10 basong tubig araw-araw.

5. Cancer – Kapag ang isang tao ay wala pang kanser, ang pinakamagandang kainin ay ang tatlong K: kamatis, karots at kalabasa. Puwede rin ang mga pagkaing ito para makaiwas sa kanser: green tea, curry powder, bawang, sibuyas, sibuyas dahon (leeks), repolyo, cauliflower, tofu o tokwa, at talong. Damihan ang pagkain ng anti-cancer foods. Bawasan ang pagkain ng hindi masustansyang pagkain tulad ng baboy, baka, hotdog, bacon, ham at longganisa.