Pandarambong sa budget: sunud-sunod na yugto


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

November 14, 2025 | 12:00am

Dineklara ng Korte Suprema nu’ng 2014 na ilegal ang pork barrels. Tatlo ang katangian nito: (1) indibidwal na proyekto ng mga mambabatas at hindi ng Ehekutibo, (2) pare-pareho halos ang halaga, (3) may kickback.

Pero patuloy na nagkutsabahan ang Malakanyang at Kon­greso na magpartehan ng pork barrels. Daan-daang bilyong piso ang dinadambong nila taon-taon

Sa panukalang budget pa lang ng Malakanyang ay may nakasingit nang pork barrels. Nakapaloob ito sa Public Works, Health, Interior, Agriculture, at iba pa. Nabisto ito kamakailan:

  • May DPWH usec. na kumokontak sa mga mambabatas­ para alamin kung ano at saan ang kursunadang flood works o pa-aspalto.
  • May pang-ayuda sa may sakit, pero dapat pirmado muna ng mambabatas para makasingil ng utang na loob sa naka­tanggap.
  • Nakaka-“arbor” ang mambabatas ng quota sa pagpasok ng libu-libong cargo containers ng isda, karne, gulay, mais at bigas.
  • Nakapagsisingit ang mambabatas ng daan-daang mil­yong pondo para sa kung anu-anong mga palsipikadong proyekto ng DILG.

Kapalit lahat nu’n, inaasahan ng Kongreso aaprubahan nang buo ang confidential-intelligence funds ng Office of the President, OVP, at mga kagawaran.

Hindi pa tapos. Nagdadagdag pa ang Senado at Kamara de Representantes ng pansariling budgets. Tinatapyas ito mula sa pondo ng Edukasyon at PhilHealth.

Ang huling yugto ng pagkamal ng pork barrels ay sa Bica­meral Conference Committee. Nagnenegosasyon ang Senado at Kamara para sa kani-kanilang dagdag-pera.

Nagiging batas ang budget kapag pinirmahan ng Presidente. Sangkot siya sa kalokohan.

Gan’un karumi ang gobyerno. Dapat todo reporma.