Paolo, Ipinagdadamot ang detalye ng bonding sa mga anak


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

October 14, 2025 | 12:00am

Ayaw masyadong idetalye sa amin ni Paolo Contis kung ano ang nangyari sa pagdalaw niya sa dalawang anak niyang sina Xonia at Xalene sa Cebu.

Doon nag-weekend ang Kapuso actor para makasama ang kanyang mga anak kay Lian Paz.

Pero ang maganda ay nandiyan ang bagong kasal na sina John at Lian Cabahug.

Ipinost nga ni Paolo sa kanyang IG story; “Maraming kuwento. Pero ang pinakamagandang  kwento ay ang pagpapatawad. Only by God’s Grace!”

Sobrang nagpapasalamat siya kina John at Lian dahil sa nabigyan siya nang sapat na oras na makasama ang dalawa niyang anak.

Nagpapasalamat din siya sa magandang pagpapalaki nila kina Xonia at Xalene. “Yes. Super okay kami ng kids (smile emoji). Ang gaganda at ang babait (smile emoji),” text uli sa akin ni Paolo.

May ilan pa siyang post na masaya silang nagkukuwentuhan ni John, na napakabait daw at nagkasundo silang dalawa.

Tinanong ko siya tungkol sa ipinost niyang forgiveness, pero ayaw na raw niyang i-share kung ano talaga ang pinag-usapan nila.

Ang maganda ay nabigyan siya nang sapat na oras na makasama at maka-bonding ang mga anak.

“Yung details ng mga usap namin, amin na lang yun Gorgs.

“But definitely it was a great bonding day with John, Lian, and the whole family.

“I was able to spend more time with the kids the next day dahil humiwalay kaming tatlo ang went to a different resort for 2 days,” text pa uli ni Paolo Contis.

Maganda ang ganitong balita na napaka-positive.

Magaan sa pakiramdam para kay Paolo, at sana mangyari na rin iyun sa kanila ni LJ Reyes para sa kanilang anak na si Summer.

Mylene at Rochelle nataranta nang Manalo

Ang mga Cinemalaya movies noong 2024 ang namayagpag sa katatapos lang na Urian awards noong nakaraang Sabado.

Noong Linggo naman ginanap ang awarding ng Cinemalaya 2025, Layag sa Alon, Hangin, at Unos na ginanap sa Shangri-La cinema.

Agree ang halos lahat sa mga nagwagi, lalo na sa acting awards na pinangunahan ng Best actress na si Mylene Dizon at Best Actor na si Jojit Lorenzo.

Pareho sila sa pelikulang Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan.

Sa pelikula ring iyun nagwagi si Nanding ­Josef bilang Best Supporting Actor at si Rochelle ­Pangilinan naman ang Best Supporting Actress ng pelikulang Child No. 82 (Anak ni Boy Kana).

Best Ensemble Performance naman ang cast ng Open Endings na magaling naman talaga silang lahat.

Si Sari Dalena naman ang Best Director ng pelikulang Cinemartyrs at ang Best Film ay ang docu film na Bloom Where You Are Planted.

Tingnan natin kung mamayagpag ang mga pelikula ng Cinemalaya sa mga award giving bodies sa susunod na taon.

Maraming natuwa para kay Mylene Dizon sa pagkapanalo bilang Best Actress, na sinasabi nga nilang nilalamon niya ang mga co-actor niya sa pelikulang ito.

Bahagi ng acceptance speech ni Mylene na natataranta nang tinanggap ang Balanghai trophy; “Ang pelikula po namin ay tungkol sa hope, sa pag-asa. Yes, may pag-asa po.

“May pag-asa na balang araw, babalik sa atin lahat ng pera natin na ninakaw ng mga hayup na mga hydra na iyan.

“Congratulations, Cinemalaya, napakaganda nitong taon na ito lalo na para sa akin, ha, Mikoy?!”

Si Mikoy Morales, na best actor two years ago ang tinutukoy ni Mylene na siyang nag-present ng award.

Si Rochelle Pangilinan ang sobrang taranta nang tinanggap naman ang kanyang Best Supporting Actress award.

“Dyusko! Omigosh, first Cinemalaya ko po! Ahhh! Best actress na ako! Dyusko, sa lahat po ng pumili na manalo ako, maraming salamat po!

“Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko. Ahhh Child No. 82, thank you po sa pagbigay sa akin ng ganitong klaseng chance.

“Ahhmm bilang nanay… lahat naman tayo, gustong ma­ging mabuti ang anak and si Alice na ginampanan ko doon, anak JM Ibarra, maraming salamat sa pagbuo bilang isang anak ko.”

Sabi pa ni Rochelle sa kanyang social media post; “Still feels surreal…hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na nagyari talaga ‘to.

“Winning Best Supporting Actress at CInemalaya—grabe, sobrang laki ng puso ko ngayon. I poured my soul into this role, and to be recognized in this way…parang panaginip.”

Nagpasalamat ang Kapuso actress sa kanyang asawang si Arthur ­Solinap,  sa buong PPL Entertainment team at ang bumubuo ng pelikulang Child No. 82.

Sa galing ni Rochelle sa pelikulang ito, puwede siya talagang magwagi sa mga susunod pang award-giving bodies.

Hindi personal na natanggap nina Jojit Lorenzo at Nanding Josef ang kanilang award  dahil sa prior commitments.

Ito palang pelikulang Habang Nilalamon ng Hydra ang Kasaysayan ay kasamang prinodyus ng Nathan Studios ni Sylvia Sanchez at ng kanyang pamilya.