February 28, 2025 | 12:00am
Hanggang sa sinusulat namin ito ay hindi pa nagbibigay ng kumpirmasyon ang pamilya pero humihingi ng dasal ang mga kaibigan at mga taga-music industry para kay Hajji Alejandro sa ilang social media posting.
“Prayers to our fellow Bedan Hajji Alejandro who is now at ICU at Medical City Philippines has Stage 4 colon cancer (pray emoji) Prayers Ascending (heart emoji). Hajji’s colon cancer has metastasize to his liver and lungs.
“He is intubated. Nagkaroon pa ng mga seizures kanina. The family decided not to accept any visitors for now. We have to respect that. More prayers needed for not to suffer.
“Kindly pray for the wellness of Mr. Alejandro.”
Nasa Facebook account din ni Richard Merk na humihingi rin ng patuloy na panalangin para sa original Kilabot ng mga Kolehiyala.
Pero sinabi ng partner ni Hajji na si Alynna Velasquez na ito ay fake news kahit sinasabi na ng ibang malalapit sa original Kilabot ng Kolehiyala.
Kasong rape ni Sandro, uumpisahan na ang pagdinig!
Sisimulan na ang pagdinig ng kasong Rape Through Sexual Assault na isinampa ni Sandro Muhlach sa dalawang independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz ng GMA 7.
Hindi inayunan ng Pasay RTC ang Motion To Quash na isinumite ng kampo nina Nones at Cruz kaya tuloy ang pagdinig nito. Pagkatapos nito ay nagkaroon na ng arraignment kung saan nag-plea ng “Not Guilty” ang dalawang independent contractors.
Sabi ng legal counsel nina Nones at Cruz na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, hindi na raw sila nag-motion for reconsideration kaya tumuloy na sila sa arraignment. “In a criminal case, the burden is on the prosecution to prove the guilt of our clients BEYOND REASONABLE DOUBT. That is what we are going to see in the subsequent hearings which are the hearings for the reception of evidence for the prosecution,” bahagi pa ng statement ni Atty. Garduque na ipinadala sa amin.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin pala nakapag-file ng complaint sina Gerald Santos at Enzo Almario laban sa musical director na si Danny Tan. Ilang beses din naming pina-follow up sa kanilang legal counsel, pero nitong huling pag-follow up namin, hinihintay lang pala ng abogado nilang si Atty. Noel Malaya ang desisyon nilang pupunta na sila ng Department of Justice.
May sinabi sa amin si Atty. Malaya kung ano ang dahilan ng pagka-delay, pero minabuti naming huwag nang isulat.
Alex Medina, retirado na sa paghuhubad
Dahil sa kanyang anak, ayaw na ni Alex Medina na maghubad sa pelikula. “Partly na rin po siguro. Pero even when I entered po nung mga 2015… 2013… 2014… Meron akong consciously parang sabi ko na OK na ‘yon. Kasi ‘yun nga po, mahirap matali sa ito ‘yung artistang laging magpapakita.
“Ang hirap din po pala ‘yung ganun. Siyempre tumatanda rin ako, ang hirap mag-maintain physically. Ha! Ha! Ha! To exercise.
“Siguro nga po, kung tumanda-tanda ‘yung anak ko and I have more… siguro po, kung kaya kong i-maintain ‘yung katawan ko, maybe I can show some skin sa itaas. Pero ‘yung mga Palitan, Babagwa (sexy films niya), baka hindi ko na kaya. Depende po sa material,” saad ni Alex nang makatsikahan namin sa media conference ng pelikulang PostMortem noong Martes na ginanap sa Obra Ni Nanay Gallery na pag-aari ni Tita Cristy Fermin.
Itong PostMortem ay pinagbibidahan ng mga content creator na kung saan malapit ang director nito na si direk Tom Nava. Tampok dito sina Sachzna Laparan, Jai Asuncion, Agassi Ching, Mike Lloren, Albert Nicolas, Jennica Garcia, Jim Morales, Chino Liu, Tony Lascano, at Francis Mata.
Nasa cast din sina Burong Macacua, Dudut de Guzman, Gepoy Tuazon, Louise Jimenez, Clouie Dimaapi, Ira Ruzz, Lamin de la Cruz, Yow Andrada, Peggy Solis, Rundee de la Cruz, Charlene Cua, Mike Liwag, at Limer Veloso.
Suportado ni Alex ang mga content creator na masusubukan ang lakas nila sa milyun-milyong sumusubaybay sa kanilang vlog.
Pinayuhan ba ni Alex ang mga baguhang sina Jai at Agassi kaugnay sa akting? “Si Jai kasi, nakita ko pa lang sa look test namin, sabi ko, perfect siya for the role. Kasi magaling… alam niya kung paano ‘yung kailangang emosyon na hinahanap ni Direk Tom. Pero magaling din si Agassi… Minsan lang siyempre, baka napapagod lang. Iba kasi ‘yung shoot sa vlogging,” pakli ni Alex.
First directorial job ito ni Tom Nava bilang direktor na nakilala sa mga online show, kagaya ng Showbiz Now Na ni Tita Cristy.
Sa March 19 na ang showing ng horror film na PostMortem.
