November 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Magiging paspasan ang training camp ng Gilas Pilipinas sa oras na magsimula ang ensayo nito para 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Hirap pa si Gilas Pilipinas coach Norman Black na makapag-ensayo ng buo ang kaniyang bataan dahil sa magkakaibang schedule ng mga ito.
Kaya naman inaasahang magiging matindi ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para masigurong mabilis itong makabubuo ng chemistry bago tumulak sa Thailand.
Target ni Black na magkaroon ng 23 araw ng ensayo.
Isang linggo nito ay gugugulin sa Inspire Sports Academy sa Calamba.
Sasalang ang Pinoy cagers sa twice-a-day training sa Calamba.
Nasa kani-kaniyang mother teams pa ang karamihan sa mga players ng Gilas Pilipinas para sa SEA Games.
Kabilang na rito sina Mike Phillips ng De La Salle University at Kymani Ladi ng Ateneo de Manila University na parehong naglalaro sa UAAP Season 88.
Kasama naman ng University of the Philippines si Veejay Pre na sumasailalim sa residency.
Nasa Japan B.League si Bobby Ray Parks at naglalaro sa MPBL sina Dave Ildefonso at Jason Brickman.
