PBA Season 49 patok sa takilya


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nananatiling No. 1 sports brand sa bansa ang PBA matapos pumatok sa takilya sa Season 49 papasok sa golden anniversary nito simula sa Oktubre 5 sa Smart Araneta Coliseum.

Milyon-milyong katao ang nanood ng PBA Season 49 tampok ang 3 conferences sa TV at official apps habang halos 2 bilyon sa social media, ayon sa ulat ng PBA Board sa annual planning session nito sa Las Vegas, Nevada.

Ayon sa broadcast partner ng PBA na TV5 at Cignal TV ay PBA ang nananatiling No. 1 sports league sa bansa batay sa social media engagements o national TV rating.

Bida dito ang 1.8 billion views sa Facebook at YouTube mula Nobyembre hanggang Hulyo para sa 3 conferences na Commissioner’s Cup, Governors’ Cup at Philippine Cup.

Umabot din sa halos 100 milyon sa official Pilipinas Live app tampok ang tig-36 milyon sa Commissioners’ Cup at Philippine Cup pati na ang 26 milyon sa Governors’ Cup.

Sa TV tampok ang PBA sa RPTV, Cignal TV, TV5 at PBA Rush ay numero uno rin sa sports ang PBA nang magrehistro ng lagpas 20 milyon sa 3 conferences.

Pinakatumabo dito ang Commissioner’s Cup na nagkaroon ng 23.7 milyong cumulative audience reach dahil sa pambihirang duwelo ng Talk ‘N Text at Barangay Ginebra.

Wagi ang TNT sa pangunguna ni Best Import Rondae Hollis-Jefferson sa overtime ng Game 7, 87-83, kontra sa karibal na si Justin Brownlee at Barangay Ginebra.

TNT at Ginebra uli ang nagtapat sa Governors’ Cup na pinanood ng 22.7 milyong katao tampok ang Tropang Giga bilang kampeon ulit habang 21.2 milyon naman sa Philippine Cup na pinagharian ng San Miguel.

Tinalo ng TNT ang SMB sa All-Filipino, 4-2, para mapigilan ang Grand Slam nito.