January 28, 2026 | 12:00am
HABANG may mga opisyal na nagpapasarap sa perang nilimas, may mga pamilyang inanod, nilibing, at winasak ng baha. Ito ang tunay na mukha ng mga ghost flood control projects hindi lang papel na proyekto, kundi bangkay sa kalsada, putik sa loob ng bahay, at luha sa bawat evacuation center.
Ngayon, sinasabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang VIP, walang espesyal sa mga makukulong dahil sa kasong ito. Kahit pa bigatin, kahit dating senador kasama na si Ramon “Bong” Revilla—pare-pareho raw ang kulungan. Walang aircon ng hustisya, walang unan ng impluwensiya.
Pero linawin ko hindi kulungan ang tunay na isyu. Ang isyu ay ito saan napunta ang perang dapat sana’y naging konkretong proteksyon laban sa baha?
Bakit may flood control sa papeles pero baha sa totoong buhay? Bakit may pirma sa proyekto pero wala namang pader, kanal, o dike na sumalo sa rumaragasang tubig?
Habang ang mga opisyal ay naglalaro ng “makatao at modernong kulungan,” ang taumbayan ay nilunod sa kapabayaan.
May mga batang hindi na umabot sa bubong. May mga matatandang hindi na nailigtas. May mga pamilyang isang iglap wala na ang bahay, wala na ang kabuhayan, minsan pati mahal sa buhay.
At ngayon, ipakikita sa video na maayos ang kulungan? Sasabihing may body cam ang jail guard para sa “transparency”?
Nasaan ang camera noong nilulunod ng baha ang buong barangay? Nasaan ang transparency noong ninanakaw ang pondo habang alam nilang may mamamatay?
Zero tolerance daw sa VIP treatment. Mabuti. Pero ang mas mahalaga. Zero tolerance rin ba sa paglimot sa mga biktima?
Ang hustisya ay hindi lang kung saan ikukulong ang mga akusado.
Ang hustisya ay pananagutan sa bawat patak ng baha na pumatay, sa bawat bahay na gumuho, at sa bawat Pilipinong ginawang collateral damage ng korapsiyon.
Hindi sapat ang pantay-pantay sa kulungan kung hindi pantay ang bigat ng kasalanan sa konsensya ng bayan.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang komentaryong pampubliko batay sa mga ulat at pahayag na inilabas sa media. Ang mga pananaw na nakasaad dito ay opinyon ng manunulat at hindi hatol ng korte. Iginagalang ang presumption of innocence habang nananawagan ng pananagutan, transparency, at hustisya para sa mga biktima ng kapabayaan at katiwalian.