PH wushu, wakeboarding bets sasabak na sa World Games


MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Team Philippines ang tangkang makahirit ng medalya sa prestihiyosong World Games na pormal nang magsisimula ang bakbakan ngayong araw matapos ang engrandeng ope­ning ceremony kahapon.

Mapapalaban agad sina Team Philippines flag bearer Agatha Wong at Jones Inso na hahataw sa wushu competitions.

Magsisimula ngayong araw ang taolu event sa Hi-Tech Zone Sports Gymnasium kung saan inaasahang ilalatag nina Wong at Inso ang kanilang husay laban sa malalakas na koponang kalahok sa torneo.

Pinakamatinik na kari­bal ng tropa ang host China na may mga world class athletes sa kanilang lineup.

Maliban kina Wong at Inso, sasabak na rin ang wakeboarding team nga­yong araw sa Sancha Lake Taohuadao Arena.

Target nina Raph Trinidad at Eric Ordonez na makahirit ng tiket sa susunod na round sa pagsalang ng dalawa sa qualifying round.

Galing sina Trinidad at Ordonez sa matinding training camp bago tumulak pa-Chengdu kaya’t optimistiko ang mga ito sa kanilang magiging kampan­ya para sa Pilipinas.

May kabuuang 47 atleta ang isasabak ng Pilipinas sa World Games na magtatangkang lampasan ang isang gintong medalyang nakuha nito noong 2022 edisyon na ginanap sa Birmingham, Great Britain.

Galing ang naturang ginto kay Junna Tsukii sa women’s kumite 50kg division ng karate event.

Ilan sa mga may ma­lakas na tsansang makapag-uwi ng medalya ay ang billiards team na nakahirit ng ginto noong 2017 edisyon sa Poland mula kay reigning World Pool 9-Ball champion Carlo Biado.

Hahataw sa women’s 10-ball event sina Rubilen Amit at Chezka Centeno na parehong World 10-Ball champions.

Samantala, hindi pina­lad ang men’s floorball team sa kanilang unang pagsalang matapos yumuko sa Latvia sa iskor na 2-12 sa Xindu Xiangcheng Sports Centre.

Sunod na sasagupain ng Pinoy team ang Sweden bukas at ang Switzerland sa Linggo.

Kailangan ng Pilipinas na makapasok sa Top 2 matapos ang eliminasyon para makahirit ng tiket sa semis.