November 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Asahan ang mas agresibong Gilas Pilipinas sa oras na sumalang ito kontra sa Guam sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre 28.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, kakaibang training camp ang ginawa nito kung saan mas matinding ensayo ang pinagdaanan ng tropa para matiyak na nasa magandang kundisyon ang lahat.
Araw araw ang ensayo na kinapapalooban ng twice-a-day training na ginanap sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
“We’ve been killing these guys. We’ve been practicing everyday since we got together. We did two-a-day on Friday, two-a-day on Saturday and two-a-day on Sunday, and we did a hard, hard scrimmage, which is hard because each team only had seven players,” ani Cone.
Nais pa sana ni Cone na sumalang sa ensayo ang Gilas Pilipinas bago umalis patungong Guam.
Subalit nagdesisyon na itong ipahinga na muna ang mga players dahil mahaba-haba rin ang flight patungong Guam. Umalis na kahapon ang buong delegasyon.
Sa oras na lumapag ang tropa sa Guam, agad itong sasalang sa ensayo para manatiling kundisyon ang mga ito.
Sinabi ni Cone na kakaiba ang ginamit nitong sistema sa ensayo. Mas matindi ngunit hindi nito nakitaan ng reklamo ang sinumang miyembro ng kanyang bataan.
Kaya naman masaya si Cone na nasunod ang mga plano nito.
