MANILA, Philippines — Sasalang ang mga national boxers sa dalawang training camps sa ibang bansa para paghandaan ang mga major international tournaments ngayong taon kabilang ang 33rd Southeast Asian Games sa Disyembre sa Thailand.
Pamumunuan nina Olympic Games silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam at bronze medal winner Eumir Felix Marcial ang tropang magsasanay sa England at Uzbekistan.
Matapos ang training camp sa Sheffield, England ay lalahok ang mga national boxers sa World Boxing Championships sa Liverpool sa Setyembre 4 hanggang 14.
Kasunod nito ang kanilang pagsasanay sa Uzbekistan, ayon sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP).
“Nag-request na ako ng November, hindi pa lang nila nako-confirm,” wika ni ABAP secretary general Marcus Manalo sa Uzbekistan. “Ang plano naman right before the SEA Games, iyon ang final phase of preparation para high level talaga.”
“Kahit hindi actually siya matuloy mayroon din kaming tournament and training camp na na-arrange sa China. Ang problema lang sa China iyong mga military athletes they cannot travel to China,” dagdag nito.
Hangad ng mga Pinoy boxers na mapaganda ang nakaraang performance sa 2023 SEA Games sa Cambodia.
Sumuntok ang mga national pugs ng kabuuang apat na gold, limang silver at isang bronze medals.
Ang Thailand pa rin ang kaagawan ng mga Pinoy fighters sa gintong medalya sa SEA Games.
Sa 2023 edition ay kumolekta ang mga Thais ng siyam na golds, dalawang silvers at isang bronze para muling dominahin ang boxing event.
Kumpiyansa ang ABAP na malaki ang maitutulong ng dalawang training camps para sa kampanya ng national team sa 2025 Thailand SEA Games.