Philippine Team nagpasiklab sa Astana


MANILA, Philippines — Bumuhat ang national junior weightlifting team ng kabuuang dalawang ginto, pitong pilak at pitong tansong medalya sa 2025 AWF Asian Youth and Junior Weightlifting Championships na ginanap sa Astana, Kazakhstan.

Magarbong tinapos ni Albert Ian Delos Santos ang ratsada ng Pinoy squad nang kumana ito ng gintong medalya sa junior men’s 71kg class.

Pinagharian ni Delos Santos ang clean and jerk matapos bumuhat ng 177 kg, habang nakapilak naman ito sa total tangan ang 313 kg.

Nagkasya lamang sa ikalima si Delos Santos sa snatch (136kg).

Nauna nang kumana ng ginto si Angeline Colonia sa junior women’s 48kg event kung saan nangibabaw ito sa snatch bunsod ng nairehistro nitong 77kg.

Nasa ikaapat naman si Colonia sa clean and jerk (88kg) at total (165kg).

Nakalikom naman ng kabuuang limang medalya si Jhodie Peralta sa youth at junior women’s 53kg divisions.

Unang umarangkada si Peralta sa youth division kung saan naka-pilak ito sa snatch (84kg), clean and jerk (97kg) at total (181kg).

May dalawang tanso rin ito sa junior category mula sa snatch (84kg) at total (181kg).

Nagdagdag ng isang pilak at dalawang tanso sa youth women’s 44kg division si Princess Jay Ann Diaz na pamangkin ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.

Nakapilak si Princess sa snatch (62kg), habang may tanso ito naman sa clean and jerk (78kg) at total (140kg).

Ang iba pang bumuhat ng medalya sa kanilang mga event ay sina Alexsandra Ann Diaz na may isang pilak at isang tanso sa women’s 48kg division at Jerick Icon Castro na may isang pilak at dalawang tanso sa men’s 60kg youth class.