Pinakamalaking factory ng lamok sa buong mundo, binuksan sa Brazil!


MGA KUWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 9, 2025 | 12:00am

Bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa dengue fever, binuksan kamakailan ng gobyerno ng Brazil ang pinakamalaking pabrika ng lamok sa buong mundo, na kayang magprodyus ng hanggang 190 milyong lamok bawat linggo.

Matatagpuan sa Campinas, São Paulo, ang 1,300- square meter na pasilidad ay pinatatakbo ng mga siyentipiko upang matiyak na halos 200 milyong lamok ang umaabot sa tamang maturity bago pakawalan.

Bagama’t tila nakakatakot ang ideya, ito ay bahagi ng siyentipikong proseso upang pigilan ang pagkalat ng dengue virus.

Kailangan ang ganitong “mosquito factory” dahil sa halip na lipulin ang lahat ng lamok, mas epektibo ang pagpaparami ng mga lamok na hindi nagbibigay ng dengue fever.

Kapag pinakawalan sila sa kapaligiran, nakikipaghalo sila sa mga ordinaryong lamok at unti-unting napapalitan ang mga populasyon ng mga lamok na may Wolbachia, na hindi na kayang magbigay ng dengue fever.

Sa loob ng pabrika, ang mga Aedes aegypti na lamok ay sadyang ini-infect ng Wolbachia bacteria, na pumipigil sa pagdami ng dengue virus sa kanilang katawan. Dahil dito, hindi nila ito maipapasa sa tao, at kapag sila ay nagparami, naipapasa rin nila ang bacteria sa kanilang mga supling.

Nagsisimula ang produksyon sa mga tray na puno ng tubig na may tamang temperatura, kung saan lumalaki ang mga kiti-kiti. Kapag naging lamok na, inililipat sila sa mga cage at pinakakain ng sugary solution (para sa mga lalaki) at animal blood bags na ginagaya ang balat ng tao (para sa mga babae).

Nagtatagal sila ng apat na linggo sa mga cage bago magparami at mangitlog.

Matagumpay nang nagamit ang Wolbachia method sa iba’t ibang bansa, ngunit inaasahan ng Brazil na mapapahusay nila ito. Mahalaga ito dahil patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng dengue taun-taon.

Noong 2024, naranasan ng Brazil ang pinakamalalang dengue outbreak sa kasaysayan nito.

Sa kakayahan nitong magprodyus ng 190 milyong lamok bawat linggo, tinatayang makatutulong ang pabrika sa pagprotekta ng hanggang 100 milyong tao laban sa dengue bawat taon.