Pinay booters taas-noo pa rin sa FIFA Futsal Worlds


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sa kabila ng kabiguan, nanatiling nakataas ang noo ng Philippine national women’s futsal team sa FIFA Futsal Women’s World Cup na ginaganap sa Philsports Arena sa Pasig City.

Lumasap ang Pinay booters ng 2-3 kabiguan sa kamay ng Morocco dahilan upang tuluyan na itong mamaalam sa kontensiyon.

Ngunit ang dalawang goals ng Filipina5 ay maituturing nang tagumpay.

Nakapuntos sina Inday Tolentin at Cathrine Graversen para makasama sa listahan ng mga goal-scorers sa naturang 16-nation meet na suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Football Federation.

Naitarak ni Tolentin ang free kick sa ikaapat na minuto ng laro habang nagtala naman si Graversen ng isa pang goal matapos ang tatlong minuto.

Subalit bigo ang Pilipi­nas na masundan ang ma­init na simula nito ma­tapos umarangkada ng husto ang Morocco na nagpasabog ng 3-0 run para makuha ang panalo.

“It’s a World Cup, right, everybody wants to score so for me it’s a dream come true. To do it on your homecourt makes it more exciting and crazy. The atmosphere was just wild,” ani Graversen.

Dahil dito, bagsak ang Pilipinas sa 0-2 rekord habang umangat naman ang Morocco sa 1-1.

Una nang natalo ang Pilipinas sa Poland sa iskor na 0-6.

Makakalaban ng Pilipinas ang quarterfinals-bound Argentina bukas.

Galing ang goals ng Morocco kina Nadia Laftah (10th), Siiham Tadlaoui (14th) at Jasmine Demraoui (17th).