Pistons diniskaril ang misyon ng Knicks


DETROIT — Nagpapu­tok si Cade Cunningham ng 36 points para tulungan ang Pistons sa 115-106 pag­­papalubog sa New York Knicks sa posibleng pre­view ng isang first-round matchup sa NBA playoffs.

Humakot si starting center Ja­len Duren ng 18 points at 13 rebounds para sa Detroit (44-36).

Nagdagdag ng 17 at 13 markers sina Tobias Harris at rookie Ron Holland, ayon sa pagkakasunod.

Naglaro ang New York (50-30) na wala sina inju­red starters OG Anunoby (thumb) at Josh Hart (knee) at bigong masikwat ang No. 3 seed sa Eastern Con­ference.

Umiskor si All-Star guard Jalen Brunson ng 15 points para sa Knicks na nakahugot kay Karl-Anthony Towns ng 25 points.

Ang three-point play ni Dennis Schroder sa huling 54.7 segundo ng fourth quarter ang nagbigay sa Pis­tons ng eight-point lead patungo sa panalo.

Sa Indianapolis, nagtala si Tyrese Haliburton ng 23 points sa 114-112 paglusot ng Indiana Pacers (49-31) sa Cleveland Cavaliers (63-17).

Sa Memphis, bumira si Anthony Edwards ng 44 points sa 141-125 pagbugbog ng Minnesota Timberwolves (47-33) sa Grizzlies (47-33).

Sa Milwaukee, kumabig si Giannis Antetokounmpo ng 28 points at 11 rebounds sa 136-111 demolisyon ng Bucks (46-34) sa New Orleans Pelicans (21-59).