PLDT, Creamline rambulan sa finals spot


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 12, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Asahan na ang matin­ding hatawan sa pagtutuos ng PLDT at Creamline sa knockout semifinals ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.

Maghaharap ang High Speed Hitters at Cool Sma­shers ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Co­liseum.

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay maglalaban naman ang Cignal HD Spi­kers at Chery Tiggo Crossovers.

Puntirya ng PLDT ang kauna-unahan nilang finals appearance kumpara sa target na ika-15 ng Creamline na asam ang ika-11 ko­rona.

Pinatalsik ng High Speed Hitters ang ZUS Coffee Thunderbelles, 25-21, 25-21, 25-19, habang gi­­niba ng Cool Smashers ang Farm Fresh Foxies, 25-19, 25-19, 26-24, sa knockout quarterfinals para itakda ang kanilang semis showdown.

Sina Fil-Canadian Savi Davison, Majoy Baron, Kim Dy, Mika Reyes, Kiesha Be­donia at Kim Fajardo ang isasalang ng PLDT kontra kina Alyssa Valdez, Jema Galanza, Michele Gumabao, Tots Carlos at Kyle Negrito ng Creamline.

Nagmula si Davison sa isang three-month vacation sa Toronto at noong Hulyo lamang bumalik sa bansa para tulungan ang High Speed Hitters.

“Whether I’m here, whether I’m elsewhere. Just the welcome back is you know, it feels good,” sabi ng 27-anyos na outside hitter.

At sa pagbabalik ni Da­vison ay hindi dapat mag­kumpiyansa ang Cool Smashers, ayon kay Ga­lanza.

“Sabi ni coach She (Me­neses) na talagang nga­yong PVL season, I think last conference pa lang talaga lahat ng teams nag-improve, lumalaban talaga,” ani Galanza.

Hangad ng Creamline na makabangon mula sa kabiguan sa Petro Gazz sa nakaraang PVL All-Filipino Conference finals.

Samantala, paglalaba­nan din ng Cignal at Chery Tiggo ang isang finals berth.

Dinomina ng HD Spi­kers ang Akari Chargers, 25-20, 25-11, 28-26, habang winalis ng Crossovers ang Nxled Chameleons, 25-17, 25-15, 25-20, para ayu­sin ang kanilang semis duel.

Nakatakda ang one-game championship game sa Linggo sa MOA Arena sa Pasay City.

Nabigyan ng tiket ang PLDT, Creamline, Cignal at Chery Tiggo para sa da­rating na PVL Invitational Con­ference na hahataw sa Agosto 19 sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Dalawang foreign teams ang sasagupa sa apat na PVL squads.