PLDT didikit sa finals spot


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 25, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Lalapit ang PLDT sa kanilang ikalawang sunod na finals appearance sa pagharap sa guest team na Kobe Shinwa University sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang High Speed Hitters at Kobe Shinwa ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang salpukan ng Cignal HD Spikers at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-6:30 ng gabi.

Matapos walisin ang nakaraang 2025 PVL on Tour para sa una nilang korona ay magkasunod na pinatumba ng PLDT ang Chery Tiggo, 25-16, 25-14, 25-18, at sister team Cignal, 25-19, 25-13, 25-22, sa Invitationals.

Nasa 10-game winning streak ngayon ang tropa ni coach Rald Ricafort tampok ang magandang performance ni Alas Pilipinas member Alleiah Malaluan sa huli nilang dalawang panalo.

“It pushes me to raise the bar even higher, kasi alam ko my ates are there to guide me sa loob ng court,” ani Malaluan. “They always assure me – every time I make a mistake, they tell me, ‘Okay lang, bawi ka.”

Pumalo ang dating La Salle Lady Spikers star ng 11 points laban sa Crossovers at 12 markers kontra sa HD Spikers.

Ang eksperyensa sa nakaraang PVL on Tour ang nagpalakas sa PLDT, ayon kay Ricafort.

“Siguro pag high-pressure situations, kasi may na-experience na kami na mahihirap, medyo nare-remind sila na, ‘Okay, napagdaanan na.’ Iikot na lang ulit, point by point na lang ulit,” sabi ng two-time PVL champion coach.

Ang back-to-back wins naman ang target ng Kobe Shinwa matapos walisin ang ZUS Coffee, 25-14, 27-25, 25-17, tampok ang 18 excellent sets ni team captain Sakura Furuta sa una nilang laro.

Ang Kobe Shinwa lamang ang guest team sa liga matapos umatras ang Kurshiki Ablaze dahil sa problema sa kanilang coach.

Sa ikalawang laro, pipilitin ng HD Spikers at Thunderbelles na makasampa sa win column.