MANILA, Philippines — Nakatutok ang No. 4 PLDT sa pagsampa sa quarterfinals sa pagsagupa sa No. 9 ZUS Coffee sa qualifying round ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Nakatakda ang bakbakan ng High Speed Hitters at Thunderbelles ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang duwelo ng No. 6 Farm Fresh Foxies at No. 7 Akari Chargers sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Dinomina ng PLDT ang ZUS Coffee, 25-20, 25-16, 25-15, sa una nilang pagtutuos noong Pebrero 22 sa Passi, Iloilo.
Muling aasa ang High Speed Hitters kina Fil-Canadian Savi Davison, Majoy Baron, Erika Santos, Mika Reyes at Fiola Ceballos katapat sina Jovelyn Gonzaga, Thea Gagate, Glaudine Troncoso, Michelle Gamit, Cloanne Mondoñedo at Kate Santiago ng Thunderbelles.
Ang PLDT ang tumapos sa 19-game winning streak ng nagdedepensang Creamline matapos ang 30-28, 25-21, 23-25, 18-25, 16-14 panalo noong Pebrero 15.
Sa unang laban, pag-aagawan ng Farm Fresh at Akari ang isa pang quarterfinal spot.
Tinakasan ng Foxies ang Chargers, 25-23, 25-21, 25-14, sa una nilang pagkikita sa eliminations noong Nobyembre 30.
Sina Trisha Tubu, Rachel Anne Daquis, Jolina Dela Cruz, Louie Romero, Rizza Cruz at Caitlyn Viray ang babandera sa Farm Fresh kontra kina Ivy Lacsina, Faith Nisperos, Ced Domingo, Fifi Sharma, Eli Soyud at Justine Jazareno ng Akari.
Ang dalawang mananalo ang makakasama ng Creamline, Petro Gazz, Choco Mucho at Galeries Tower sa quarterfinals.
Mahuhulog ang dalawang mamalasin sa three-day play-in tournament na magdedetermina sa huling magbubulsa sa dalawang tiket sa best-of-three quarterfinals series.
