MANILA, Philippines — Kinapos ang habol ng PLDT sa Nakhon Ratchasima QminC ng Thailand, 24-26, 20-25, 25-20, 25-20, 9-15, upang magkasya sa segunda puwesto ng Pool D sa 2025 AVC Women’s Champions League kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Bumalikwas ang High Speed Hitters mula sa 0-2 set deficit subalit hinayaan ang 7-0 panapos na bomba ng Thai powerhouse sa fifth set para sa purnadang comeback.
Laglag sa 1-1 kartada ang PLDT para sa No. 2 seed sa Pool D subalit pasok pa rin sa knockout quarterfinals sa kabila ng kabiguan.
Top 2 teams lang kada grupo ang papasok at nasiguro na agad iyon ng High Speed Hitters matapos ang 25-19, 25-12, 25-12 panalo kamakalawa kontra sa Queensland Pirates ng Australia, na winalis din ng Nakhon, 25-10, 25-16, 25-12.
Neselyuhan naman ng 6-time Thai league champion na Nakhon ang No. 1 seed upang maitakda ang knockout duel kontra sa PVL powehouse na Creamline, na sumegunda sa Pool A hawak ang 1-1 kartada.
Zhetysu ng Kazakhstan ang nanguna sa Pool A upang makatapat ang PLDT sa quarterfinals.
Nawalan ng saysay ang 21 puntos ni Savannah Davidson sa 18 attacks, 2 tapal at 1 ace pati na ang 16 puntos ni Wilma Salas para sa PLDT.
Tanging si Kianna Dy na may 10 puntos lang ang local player na nakaiskor ng double digits upang matulungan ang super imports ng High Speed Hitters.
Pumukol ng 19 puntos si Anyse Marlee Smith habang may 16 puntos si Evangelia Chantava para trangkuhan ang Nakhon Rachasima.
